Dahil hinahangaan nang husto ang mga magigiting na mayor sa iba’t-ibang lugar sa Pilipinas tulad nina Pasig City Mayor Vico Sotto at Manila City Mayor Isko Moreno, nais din naming bigyan ng kaukulang papuri sina Biñan City Mayor Arman Dimaguila at Vice-Mayor Angelo ‘GEL’ Alonte dahil sa walang katapusang effort nila para labanan ang COVID-19 pandemic at bigyan ng suporta ang mga nasasakupan nila, kasama na kami at ang aming pamilya, sa Biñan City dito sa Laguna.
Isa sa mga kapuri-puring proyekto nina Mayor Arman at Vice-Mayor Gel ay ang pagpapalagay ng mga decontamination booth sa palengke ng aming siyudad kung saan dumadaan sa decontamination booth ang mga residenteng papunta at nanggaling sa Biñan Public Market.
Ito ay isinasagawa upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 kapag may mga namamalengke.
Siyempre pa, tulad ng halos lahat ng lugar sa Pilipinas, pagkain ang numero unong pangangailangan ng bawat pamilya kaya naman walang tigil ang pag-iikot nina Mayor Arman at Vice-Mayor Gel para mamigay ng bigas sa lahat ng kanilang nasasakupan.

Nag-trending pa nga ang Biñan dahil may mga araw na ang ipinamahagi nina Mayor Arman at VM Gel ay buhay na manok at sayote bilang pang-ulam ng maraming pamilya.
Sa kanilang pamamahagi ay ipinapatupad palagi ang social distancing dahil bawal lumabas ng bahay, hindi mabibigyan ang mga taong nasa labas ng bahay.
Regular din ang pagtse-check nina Mayor Arman at VM Gel sa repacking area upang tiyakin na sapat pa ang bigas para sa mga residente ng lungsod. Pati ang mga hindi nakakapasadang tricycle drivers ay may natanggap ding bigas.

Mahigpit ding ipinatutupad ang physical distancing habang nakapila ang teaching and non-teaching personnel ng DepEd at TESDA upang tanggapin ang 10K Cash Incentive nila mula sa lokal na pamahalaan.
Yes, tumataginting na sampung libong piso!
Kasabay nito ay ang pamamahagi ng libreng alcohol mula kay Rep. LenLen Alonte-Naguiat.
Samantala, namahagi rin ng vitamins si VM Gel sa staff at volunteers ng Mayor’s Office.
Patuloy din ang price control monitoring ng BPLO sa gitna ng COVID-19 upang walang mga may-ari ng tindahan at grocery na mag-overprice at manamantala sa panahon ng krisis.
May mga tauhan din ang munisipyo na umiikot-ikot para mag check at manita ng mga sasakyan, tindahang bukas after ng window hour, mga tambay sa kalsada/lansangan at iba pa.
May mga motel at dorm din na itinalaga ang City of Biñan bilang temporary shelter para sa mga frontliner at medical worker para hindi na sila mahirapang bumiyahe papunta at pauwi galing sa kanilang mga duty.
Bilang pagpapahalaga rin sa kanila ay may mga free point-to-point transport services para sa health at emergency frontline workers.
Marami pang mga aksyong isinasagawa ang pamunuan nina Mayor Arman, VM Gel at Congresswoman Lenlen upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga taga-Biñan sa gitna ng kalamidad na dulot ng mapamuksang COVID-19.