
Joshua Colet wants to follow his father’s footsteps
Isa sa mga pinaka-in demand na commercial models noong late ‘80s ang matinee idol na si Noel Colet. Naging pasaporte niya ang kanyang kasikatan para makilala rin siya sa pelikula sa mga obrang tulad ng “May Daga sa Labas ng Lungga,”“Rosa Mistica,” “Mara Clara,” at marami pang iba. Ngayon naman desididong sundan ng kanyang anak na si Joshua Colet ang kanyang yapak na ipinakikilala sa “Filemon Mamon,” kalahok sa 2nd World Premieres Film Festival ng Film Development Council of the Philippines. Dating Star Magic talent si Joshua pero nag-desisyon siya na maging freelancer pagkatapos matapos ang kontrata niya noong nakaraang taon.
Isa siya sa mga lead stars ng advocacy film na “Filemon Mamon” ng Megavision Films na idinirek ng magaling na director na si Will Fredo. Base ito [“Filemon Mamon] sa sikat na librong pambata at layuning ipalaganap ng pelikula ang kahalagahan ng nutrisyon at kalusugan.
Paano mo nakuha ang role ni Emil na isa sa mga bida sa “Filemon Mamon?”
“Actually, sinamahan ko lang ang sister ko para mag-audition. Galing lang ako sa school. Pero noong nakita ako nina Tita Donna (Sanchez) at Tita Luz (de Leon) na mga producers ng movie, pinag-audition rin nila ako. Luckily, napili ako,” pagbabalik-tanaw ni Joshua.
Ano ang naging inisyal na reaksyon ng Daddy mo sa pag-aartista mo?
“Actually, wala siyang alam noong una. Pero noong nalaman niya na nag-audition ako at nakapasa, natuwa siya para sa akin,” aniya. “Supportive naman kasi siya sa akin dahil passion ko rin ang acting,” dugtong niya.
What was the best advice na ibinigay sa iyo ng Daddy mo tungkol sa pagpasok mo sa showbusiness?
“Sabi niya,‘Just be true to yourself. Mahalin mo ang iyong trabaho and be professional. Know your act right and always be considerate with people na makakatrabaho mo at makakasalamuha mo.’”
Sa pelikula, weakness ni Filemon Mamon ang pagkain. Ikaw, ano ang weakness mo?
“Ang weakness ko ay ang luto ng Mom ko. But actually, I am more of a gym buff.”
Ikaw ang love interest dito ni Miles Ocampo. How do you find Miles?
“Masarap siyang katrabaho. Isa siya sa mga showbiz crushes ko,” pag-amin pa ng binata.
Other than Miles, sino pa ang mga showbiz crushes mo?
“Si Sofia Andres,” matatas na pahayag ni Joshua.
Bakit si Sofia?
“Magkaibigan kasi kami ni Sofia even way back noong Star Magic days ko. Kami nga iyong tinutukso at ipinagpa-pares. Lagi kasi kaming magkasama at comfortable na kami sa isa’t isa. Close friends rin kami.”
Anong qualities nina Miles at Sofia ang nagustuhan mo?
“Bukod sa pareho silang maganda, simple lang sila. Napaka-warm ng personalities nila. Kapag kasama mo sila, mararamdaman mo agad ang koneksyon mo sa kanila,” pagtatapos niya.
Nasa cast ng “Filemon Mamon” sina Giselle Sanchez, Rayver Cruz, Smokey Manaloto, Nanette Inventor, John Manalo, Tess Jamias, Sue Prado, Christian Bautista, Guji Lorenzano, Katrina “Hopia” Legaspi, Brian Poe, ang “ASAP” youngsters na sina Joaquin Reyes at John Bermudez, Ashley Samantha Colet at si Jerome Ignacio bilang “Filemon Mamon.”
Si Joshua ay nakalabas na sa mga Kapamilya shows tulad ng “Okatokat,” “Lumayo Ka Man sa Akin,” “Precious Heart Romances” at iba pa.
Ang “Filemon Mamon” ay mapapanood sa 2nd World Premieres Film Festival, Filipino New Cinema section simula sa Hunyo 24 hanggang Hulyo 7 sa SM Cinemas.