Working with Ipe, Michael, other young stars, Nora Aunor can’t contain her excitement

Sa August 1 na magsisimula ang shooting ng pelikulang “Isa Pang Bahaghari” na pagbibidahan ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor. 

Excited ang multi-awarded actres sa makakasama niya sa pelikula lalo na ang mga kaibigan niyang sina Philip Salvador at Michael de Mesa. 

“Ang tagal na naming hindi nagkasama sa isang project ni Kuya Ipe at Michael. Sobrang saya ko nang malaman ko na sila ang makakasama ko sa pelikula,” sabi ng aktres nang aming makapanayam. 

“Tuwang-tuwa ako nang makita ko si Kuya Ipe sa look test namin. Ganoon pa rin siya, sweet at hindi nagbabago. Sabi ko sa kaniya, ngayon palang ay kinakabahan nako kasi ang galing niyang umarte,” dagdag pa niya. 

Huling nagsama sina Philip at Nora sa pelikulang Tinik sa Dibdib noong 1985 habang si Michael naman ay sa teleseryeng “Bituin” noong 2005. Bukod sa dalawang bigating aktor, makakasama rin ng aktres sa pelikula sina Zanjoe Marudo, Sanya Lopez at Joseph Marco na gaganap na mga anak niya. 

“Sa totoo lang ako ay nagpapasalamat sa Heavens Best at kay direk Joel Lamangan sa pagbibigay sa akin ng proyektong ito. Binigyan ako ng magandang istorya at hindi basta-basta ‘yung mga makakasama ko sa movie lalo na ‘yung mga kabataang artista na magiging mga anak ko,” pakli niya. 

Ang iba pang bumubuo sa cast ng pelikula ay sina Albie Casino, Maris Racal, Migs Almendras, Lloyd Samartino, Hero Bautista, Fanny Serrano, Jim Pebanco, Shido Roxas, Marie Priezer at marami pang iba.

Leave a comment