Toni Gonzaga on past with Sam Milby: Hindi rin kami talaga nakapag-date

Nang mag-guest si Toni Gonzaga sa Gandang Gabi Vice, inamin niya na nahulog ang loob niya kay Sam.

Dumating daw ito sa puntong muntik na silang magkaroon ng relasyon.

“Kasi noong time na ‘yun siya ‘yung loveteam ko. Siyempre ‘pag bata ka ‘di ba kung sino ang love-team mo, kilig na kilig ka naman,” aniya.

Hirit pa niya, umasa rin daw siya sa Fil-am actor.

“Pero alam mo kasi bata pa siya noon. Inamin naman niya na ganoon talaga, pinagdaanan na niya ‘yun, tapos ayun,” pagbubunyag niya.

Paglilinaw ni Toni nagkapatawaran din sila ni Sam.

Sa kanya namang mga pinagdaanan, ibinahagi rin ng aktres ang mga aral na kanyang natutunan sa naudlot na pagtitinginan nila ng aktor.

“Kasi noong bata kayo, siyempre akala niyo ayun ang tunay na kahulugan ng pag-ibig. Pero alam mo ang dami kong natutunan doon. Natutunan ko na hindi mo masusukat ang pagmamahal mo sa isang tao base sa simpleng pinagdaanan niya o simpleng relationship na kung ano man ang meron kayo; nasusukat ‘yon kung paano mo dadalhin ang sarili mo, kung paano mo bibitawan ‘yung mga hindi para sa’yo,” ani Toni.

“Kasi the moment na binitawan mo ‘yon, doon mo ma-realize na ang ganda pala ng nakalaan para sa ‘yo,” dugtong niya.

Paliwanag pa niya, dala ng hindi naging pormal na relasyon na pinagdaanan nila ni Sam naging madali na lang din para sa kanya ang makapag-move on.

“Dahil hindi naman kami ‘yung super formal, tapos wala din kaming malalim na pinaghugutan, hindi rin kami talaga nakapag-date, walang pinanghawakan kundi ‘yung mga eksena na ginawa sa pelikula, shooting days, walang totoong experience,” saad niya.

“Lahat ng mga nakakakilig na eksena, ‘pag binalikan mo, sa pelikula pala nangyari, sa set lang. Wala pala talaga ‘yung behind the scene na nag-date kayo, lumabas kayo,” patuloy pa niya.

Kuwento pa ng aktres kay Vice, “pero alam mo, doon ka titibay, doon ka tatapang, doon mo ma-realize na you will pick yourself up, bubuhatin mo ang sarili mo, tapos maglalakad ka ulit,” sey niya.

Balik-tambalan sina Toni Gonzaga at Sam Milby sa pelikulang “Mary, Marry Me” na iprinudyus ng Ten7P at Tin Can Productions para sa 2018 Metro Manila Film Festival.

Kasama rin sa pelikula si Alex Gonzaga bilang karibal ni Toni kay Sam.

Ito ay directorial debut ni RC de los Reyes na naging supervising producer ng “Siargao.”

Leave a comment