Teary-eyed Sylvia asks AldubNation to stop sending “death threat”

Buwan palang ng September ay nakaranas na ng panlalait, pambabastos at panlilibak ang magaling na aktres na si Sylvia Sanchez sa ilang AldubNation. Pero sa kabila ng lahat ng ito ay hindi siya nagsalita. Umalma lang ang aktres nang magkaroon na ng pagbabanta sa kaniyang buhay pati sa kaniyang mga anak na sina Arjo at Ria Atayde. 

Sa presscon ng kaniyang pinakabagong pelikula na “Jesusa” ay nakausap namin ang aktres. Sinabi niyang  nakikiusap siya sa mga ito na sana ay huwag nang idamay ang kaniyang mga anak. 

“Nakikiusap ako sa AldubNation na ako na huwag na mga anak ko ang patayin nyo. Hindi ako nagsalita at tumahimik ako.  Ngayon lang, dahil sa death threat mula sa aldubnation,” mangiyak-ngiyak niyang simula. 

“Alam ko hindi kayo lahat masasama  merong may mga good heart pa rin sa inyo at nagpapasalamat ako sa inyo pero meron ding masasama na mga namba-bash na nagsasabi na patayin si Arjo, si Ria at ako. Nakikiusap ako sa inyo bilang ina. Spare my kids. Ako na lang patayin ninyo. Sa akin na lang ang bala na para sa mga anak ko. Ina ako na nasasaktan. Ako na lang!” madamdamin niyang pahayag. 

Bago pa man ang lahat ng ito ay may isang nanay na miyembro ng AldubNation ang nakiusap sa aktres na pakiusapan daw niya si Arjo bilang isang ina. Binigyang pansin ito ng aktres at gumawa ng paraan para mag-usap sila ng Aldub fan ng ina sa ina. 

“Sabi ko mag-usap tayo ng ina sa ina. Doon  ako pumayag makipag usap. Sabi ko, hindi ako palaaway . Gusto ko mag-usap kami. Hindi ako kikibo kung panlalait at pambabastos lang sakin. Iba na usapan pag mga anak ko na. Ina rin ako na kailangan kong protektahan ang mga anak ko. Naghintay ako sa Resorts World from 7pm to midnight. Hindi siya dumating.” 

Samantala, aminado ang aktres na second choice lang siya sa pelikulang Jesusa dahil una itong inalok kay Nora Aunor. 

Buong ningning na sinabi ng aktres na hindi siya mapapahiya kung mapapanood ni Nora ang pelikula. Ibinahagi rin niya ang malaking paghanga at pag-respeto sa Nag-iisang Superstar ng lokal na aliwan. 

“Nora Aunor is Nora Aunor! Walang makakapantay! Walang makakalampas! Siya pa rin ang nasa top.”

Leave a comment