Sawa na ako sa pagiging pleasant—Joey Reyes

Aminado ang magaling at award-winning director na si Joey Reyes na na-miss niya ang paggawa ng pelikula.

Katunayan, nagbalik daw siya sa sirkukasyon dahil na-challenged siya sa kaibigang si Joel Lamangan na kaliwa’t-kanan ang ginagawang pelikula kahit sa panahon ng pandemya.

Bagamat nanibago siya dahil may mga bago nang platforms tulad ng online streaming sites sa mga manonood, naniniwala naman siyang hindi dahilan ito para mabawasan ang sigla niya para linangin ang kanyang sining.

Aniya, bumalik daw siya sa paggawa ng pelikula dahil naroon pa rin ang nag-aalab na pagmamahal niya sa kanyang craft.

This time, gusto rin niyang gawin ang mga proyektong hindi pa niya nagagawa sa kanyang karera.

“I really want to do something new. Sawa na ako sa romcoms. Sawa na ako sa pagiging pleasant,” aniya. “Sabi ko, kung gagawa uli ako ng pelikula, kakaiba siya, something I’ve never done before. I want also to work with new actors,” dugtong niya.

Sey pa niya, ang iskrip daw ng kanyang pelikulang Secrets ay noon pa niya gustong gawin subalit hindi ito iyong tipong komersyal na bet ng producers.

“Itong iskrip na ito, matagal na ito sa akin.I’ve always wanted to do this film.It’s not like any producer would do a film like this. Kuwento ito ng mga taong may kulo, eh. O may tensyon sa loob ng kanilang katauhan. Anim lang iyong karakter ng pelikula. Sa apat na lead, kung meron mang overt o open, that would be the character of Denise, iyong iba, nasa loob ang kulo, lalo na iyong character ni Janelle. In the end, you will realize that she’s not what you think she is. I’ve always wanted to do something very tense, sensual bordering on perversion showing that what you see in people is not necessarily what you get because each and everyone of us, may secret side na paminsan-minsan lang nating makikita kapag tinulak mo iyong tao para ipakita kung ano iyon,” kuwento niya.

Dagdag pa ni Direk Joey, nag-enjoy daw siya sa proseso ng paggawa ng pelikula dahil sa pagiging cooperative ng kanyang cast.

Nagustuhan din niya ang beach vibe ng Baler kung saan kinunan ang pelikula na para sa kanya ay nakatulong sa minimithi niyang tensyon sa mga karakter ng kanyang obra.

Ang Secrets ay isang madilim na kuwento tungkol sa sexual experimentation at pagnanasa na nagtatampok kina Janelle Tee, Felix Roco, Denise Esteban, at Benz Sangalang na streaming na sa VIVAMAX simula Hunyo 10.

Leave a comment