Para sa Kapuso actor na si Rocco Nacino, sobrang naa-appreciate niya ang mga artistang hindi tumitigil na mag-explore para mapag-ibayo pa ang kanilang craft.
Katunayan, bilib siya sa kanyang Write About Love leading lady na si Miles Ocampo na gusto na ring karerin ang pagsusulat sa pelikula at telebisyon.
Si Miles, kasama ang iba pang celebrities tulad nina Bea Alonzo, Bela Padilla, Cherie Gil, Agot Isidro, Meryll Soriano, Xian Lim, Kiko Estrada ay ilan lamang sa mga produkto ng screenwriting workshops ng master screenwriter at Plaridel awardee na si Ricky Lee.
Gayunpaman, dahil sa sobrang abala sa kanyang soap at pelikula at TV show, hindi pa raw pumapasok sa isip niya na sumunod sa yapak ng mga ito.
“Sa ganda ng mga ginagawa kong mga proyekto, mas gusto ko munang gampanan iyong mga ibinibigay na proyekto sa akin,” bungad ni Rocco.
Sey pa niya, nakini-kinita rin niya na malamang ay kakailanganin din niya ang mag-workshop sa screenwriting para lumawak ang kanyang sining lalo na sa pagbuo ng character sketches ng kanyang mga roles.
“Marami rin namang workshops ang GMA. Talagang darating ka naman sa career mo na nagve-venture ka sa ganoon. Pero ako for now, wala pa akong plano, kasi nag-eenjoy pa ako sa mga ginagampanan kong roles,” hirit niya.
Open din daw siya sa ideya na magdirek sa darating na panahon kung sakaling hindi na siya ganoon kaaktibo sa pag-arte.
“Nandoon na iyon. Why not? Mahirap iyan. Kailangan talagang pag-aralan. Minsan nararamdaman ko na kaya kong idirek iyan. May sariling thoughts din ako sa mga eksena pero may director naman ako, so, ipinauubaya ko na sa kanila,” paliwanag niya.
Aminado rin siyang sa pagsasabuhay ng kanyang mga papel, may mga pagkakataong sobra siyang nagkaroon ng attachment sa kanyang karakter at nahirapang makawala rito after the shoot.
“Oo naman, sa lahat ng artista nangyayari iyon. Mahirap eh, pero sa totoo lang, trabaho namin iyon,” ani Rocco.
“Minsan talagang ganoon, kasi feeling mo may responsibilidad ka sa karakter mo. Kung paano mo siya gagampanan at kung paano mo siya bibigyan ng justice.eh. Pero, responsibilidad mo rin naman kung paano ka makakawala roon sa karakter mo after the shoot,” dugtong niya.
Hirit pa niya, nahirapan din daw siyang i-tackle ang role ni “Mr. Indie,” isang beteranong scriptwriter na nagkaroon ng kolaborasyon sa isang baguhang writer sa pelikulang “Write About Love.”
“Mahirap siya kasi complete opposite siya ng personality ko. He’s an introvert who doesn’t want to be around with a lot of people. He’s reserved, so wala akong choice. So pagdating ko sa set, pinipilit ko na huwag kumausap ng kahit sino. Gusto ko lang na sarili lang ang kasama ko. That’s the thing about it, so mahirap siya,” pagtatapos niya.
Leading lady ni Rocco sa pelikula si Miles Ocampo sa binibigyang buhay ang role ni Ms. Romcom.
Kasama rin sa cast sina Yeng Constantino at Joem Bascon na ginagampanan ang mga karakter na nilikha ng kanilang mga imahinasyon.
Mula sa produksyon ng TBA Studios na naghatid sa atin ng Heneral Luna, I’m Drunk, I Love You at Goyo: Ang Batang Heneral ang Write About Love ay opisyal na kalahok sa ika-45 edisyon ng Metro Manila Film Festival.