Odette Khan’s next target: Basta bayaran ako, aapihin ko kung sino ang gusto ng direktor!

Bago pa nagkaroon ng pandemya, noong normal pa ang lahat, nagkaroon kami g pagkakataon na makapanayam ang mahusay na character actress na si Ms. Odette Khan.

Sikat na kontrabida, meron pa bang artista na nais si Odette na apihin niya sa harap ng kamera?

“Parang wala na yata, pera na lang ang gusto kong matanggap,” ang tumatawang bulalas ng aktres.

Sino ang gustung-gusto niyang inaapi onscreen?

“Basta  bayaran ako, aapihin ko kung sino ang gusto ng direktor at ng producer!”

Dagdag pa ni Odette, “Alam mo mas mahirap na wala tayong trabaho, kaya kung may trabaho huwag tayong magpabaya.”

Hindi raw niya alintana ang pagod at puyat alang-alang sa trabaho.

“Malakas ako sa puyatan.”

Pareho sina Odette at Celia Rodriguez na mahuhusay na kontrabida at pareho silang alaga ni Rams David ng All Access To Artists Inc. o Triple A.

Pero wala raw silang professional rivalry ni Celia, in fact ay magkaibigan sila noon pa man.

“Hindi nga kami nagkikita.”

Kung pagsasamahin sila sa isang show?

“Okay lang, okay lang.”

Pinakaunang award ni Odette Khan ang Movie Supporting Actress of the Year award niya mula sa PMPC’s 34th Star Awards for Movies noong February 2018 para sa indie movie na Bar Boys.

Nomination sa FAMAS para sa pelikulang Kahit Ako’y Lupa ang natatandaan lamang ni Odette na pagkilala sa kanyang acting, pati na rin ang isang parangal mula sa Gawad Tanglaw.

Kaya during the awards night ng Star Awards, nang tawagin ang pangalan niya bilang winner ay halos wala raw siyang narinig.

“Parang nabingi ako. Tapos nung lumalakad na ako papunta sa stage parang nagpu-float ako na hindi ko maintindihan. Tapos nung nasa stage na ako kinukontrol ko ang sarili ko, kasi kung nalunod ako sa emosyon ko baka hindi ako nakapagsalita.”

Maging ang suot raw niyang damit during the awards night ay matagal na niyang inihanda sakali ngang darating ang araw na magkakaroon siya ng award.

Hindi ba siya nagtanong kung bakit sa tagal na niya sa showbiz ay ngayon lang siya nagwaging Movie Supporting Actress?

“No more questions. Trabaho natin yan, e. You’re good till your last performance.

“Kung hindi ako nagka-award pero alam ko na okay ang tabaho ko, okay ang puso ko, malinis!

“Kasi binabayaran ako para umarte. Iyon lang.”

Leave a comment