Isa rin sa mga kaabang-abang na pelikula ngayong December 25 sa pagdiriwang ng Metro Manila Film Festival 2017 ay ang pelikulang “Deadma Walking” na pinagbibidahan nina Joross Gamboa at Edgar Allan Guzman.
Bading ang karakter nina Joross at Edgar Allan sa pelikula kung saan ay ipinapakita sa pelikula ang tunay na kuwento ng pagmamahalan at pagkakaibigan.
Ilang beses nang gumanap na gays ang dalawang magkaibigan sa mga nakaraan nilang pelikula at mga teleserye pero itong Deadma Walking ang masasabi nilang kakaiba at sobrang pinagmamalaki ng dalawang aktor.
Base sa mga nakapanood na ng pelikula, pwede raw itong mangabog sa takilya lalo pa’t isa raw ito sa mga entries sa MMFF na hindi dapat palampasin.
Sabi pa ng mga nakapanood na nito ay pulido raw ang pagkakagawa ng movie.
Kapuri-puri rin daw ang akting na ipinakita ni Joross pero mas lumutang daw ang galing ni Edgar Allan sa pelikula na hindi naman kataka-taka dahil mahusay naman talagang aktor ang alagang ito ng kaibigan nating si Noel Ferrer.
Isa pa raw sa plus factor kung bakit hindi puwedeng isnabin ang pelikula ay dahil sa very entertaining daw ito at maraming eksenang nakakaaliw at nakakabaliw. Dahil nga comedy film ito ay asahang hahagalpak sa katatawa sa loob ng sinehan na uuwing masaya at maligaya pagkatapos itong mapanood.
*******************
Malakas ang laban ng pelikula ni Coco Martin na mag-number one sa takilya sa mga pelikulang palabas sa Metro Manila Film Festival 2017.
Hinuhulaan na ito ang magiging mahigpit na kalaban ng pelikula nina Vice Ganda.
Bagamat lahat ng pelikula ngayong taon sa MMFF ay mga kaabang-abang at magaganda, bentahe ng pelikula nina Vice at Coco ang pag-target sa mga batang manonood, na ngayong holiday season nga ay sila ang mga aligaga kasama ang nanay, tatay, ate at kuya para manood ng pelikula.
Pero batay sa survey na aming nakalap, maraming bata ang gustong panoorin ang Panday na hindi naman sila magsisisi dahil maganda ang pelikulang idinirehe ng katukayo kong si Rodel Nacianceno na mas kilala bilang Coco Martin.
Mahusay ang pagkakagawa ng Panday at siguradong matutuwa hindi lamang ang mga bata kundi pati na rin ang mga kabataan at matatanda.
Sulit na sulit ang ibabayad sa sinehan sa pelikulang ito at makikita na ginastusan ito nang aming napanood ito sa special screening kamakailan.
Kaya sa mga gustong manood ng pampamilyang pelikula, itong Ang Panday ang isa sa mga inirerekomenda namin na inyong panoorin.
Hinding-hindi kayo magsisisi dahil ibinuhos na lahat ni Coco Martin bilang aktor, direktor at producer para lang mapaganda ang pelikula.