Nora Aunor talks about her “balat” in new serye

Ang pelikulang pinagbidahan noong 1989 ni Nora Aunor na Bilangin Ang Bituin Sa Langit, ay isinalin ng GMA-7 sa telebisyon. 

Bida pa rin dito si Nora, but this time, ay hindi lang siya ang solong bida, kundi pati na rin sina Kyline Alcantara at Mylene Dizon.

“Masaya ako na nagkaroon ng remake ‘yung aming pelikula noon. Excited din ako, dahil ang gagaling ng mga artista na kasama ko,” sabi ni Nora sa presscon ng serye.

Ang role ni Nora sa serye ay bilang si Mercedes ”Cedes” dela Cruz, na role rati ni Perla Bautista sa movie version.

“Namatay si Cedes du’n sa movie, pero rito, hindi po yata. Hindi po siya mamamatay.”

Biglang bawi si Nora sa pag-spoil niya sa kanyang character. Ang natatawang sabi niya, “Ewan ko huh? Baka! Ay hindi!”

Sa serye ay may balat sa mukha si Nora. Sa movie ay wala. Hindi niya pa alam kung bakit may balat siya.

“Bakit nga ba ako may balat? Si Direk (Laurice Guillen) na lang po ang sasagot.”

Kasama sa Bilangin Ang Bituin Sa Langit si Kyline Alcantara, na gumaganap bilang apo ni Nora. Isa si Kyline sa mga pinakamahuhusay na young actress ng kanyang henerasyon, kaya tinanong si Nora kung kamusta ang dalaga bilang co-actor.

“Kasi hindi pa kami nagkaka-eksena ni Kyline. Baka bukas meron. Sana! Sana nga magka-eksena na kami. Pero alam ko magaling siya, Bicolana, eh.”

Kaya nasabi ‘yun ni Nora, dahil isa rin siyang Bicolana.

Sabi ng ilan sa cast ng serye, gaya ni Kyline at Isabel Rivas, ay kinakabahan sila na kaeksena si Nora.

Sagot naman ng Superstar, “Tuwing may proyekto ako, hindi sa anopaman, pero lahat ng proyekto na iniatang o mabigay sa akin, lahat ‘yun, bago mag-umpisa, kabado ako.”

Ang ilan pa sa cast ng Bilangin Ang Bituin Sa Langit ay sina Zoren Legaspi, Gabby Eigenmann, Ina Feleo, Yasser Marta, Divina Valencia, Candy Pangilinan at Isabel Rivas. 

Mapapanood na ito simula sa February 24. 

Leave a comment