Thankful ang newbie actress and singer na si Nicolle Ulang sa magagandang bagay na nangyayari sa kanyang showbiz career.
Ang 20-year old na si Nicolle ay pinagsasabay ngayon ang kanyang career at pag-aaral. Siya’y 3rd year college sa University of Rizal System sa Angono at kumukuha ng Bachelor of Music, major in Music Education.
Siya ay napabilang noon sa Top 25 ng Artista Teen Quest ng SMAC TV Production. Nakalabas din sa TV show na Tanikala ng GMA-7 at ilan sa talents niya ay singing, dancing, acting, modeling, at playing musical instruments.
Aniya, “Hinggil po sa aking career, I was so blessed and thankful sa mga achievements at sa mga paparating pang project sa akin, lalo na sa mga Day Dreamer Babies. Thankful ako sa mga taong patuloy na sumusuporta at tumutulong para makamit ang mga pangarap ko, gaya po ni Daddy Tonz Are na siyang gumababay bilang pangalawa kong daddy at aking manager na rin for 7 years, at sa pamilya ko po.”
Pagpapatuloy pa ni Nicolle, “Isa sa blessings na natanggap ko ngayong taon ang manalo ng Pop Solo Singing Contest sa buong campus ng aming school at ilalaban ako this October sa Mindoro para sa regional contest.
“Katatapos lang din po ng aming pelikulang Ani na ipapalabas po this October. Mayroon din po kaming pelikulang isa pang ginagawa, ito po ay ang Speranza, na isa po ako sa lead actress dito.
“Ang dalawang movies po ay sa direksiyon at panulat ni Direk Tonz Llander Are.”
Nabanggit ni Nicolle ang role sa dalawang pelikulang ito.
Kuwento niya, “Ang role ko po sa Ani, isa po ako sa anak ni Allan na kahit hindi po nakakapag-aaral ay isa naman po akong masipag at mabait na anak na mapagkakatiwalaan.
“Sa Esperanza naman po, ang role ko ay isang barkada na may pagka-mareklamo dahil sa mga kasamahan nito. Sa pelikula pong ito ay marami kayong aabangan sa karakter ni Katty.”
Aminado siyang mas priority ang pagkanta.
“Ang priority ko po as an artist ay ang pagkanta dahil ito po ang una kong naging trabaho noong ‘di pa po ako marunong um-acting. Nag-start po akong matutong kumanta noong ako’y five years old, tinuruan na po ako ng tatay ko kung paano po humarap sa maraming tao, kaya po nasanay at mas natuto po akong kumanta.
“Sa aking pag-acting naman po, na-discover lang po ako ni Sir Tonz sa isang workshop at dahil po sa kanya kaya nakakamit ko na po nang paunti-unti ang aking mga pangarap,” nakangiting pakli pa ni Nicolle.
Ano ang wish niyang mangyari sa kanyang showbiz career?
“Ang wish ko po na mangyari sa aking career ay magtuloy-tuloy po at malayo pa po sana ang aking marating, dahil marami pong tao ang sumusuporta sa akin, kaya lalo po akong magpupursigi talaga,” sambit pa ni Nicolle.
Mula sa Daydreamer Entertainment Production, tampok sa pelikulang Ani sina Tonz Are at Abegail Hernandez.
Bukod kay Nicolle, kasama rito sina Jhana Villarin, Prince Rae Dantes, Gabriel Khail Fragada, Don Sandino Asuzano, Ghan Belarmino, Clarence Fragada, Bien Bondal, Fiona Ulang, Jhon Paul Nierves, at Edrain Yee Celino,
Pati sina JR Celino, Azhyl Melezandre, Jesu Palentinos, Hanna Rie, Angelyn Cequeña, Christian Escudero, Cheng Agapay, Nathaniel Navarro, Denzel Dominic Faller, Rosh Aaron, Sweet Gerrer, Lynx Seren, Celso Llander Are, Ronel Samar, Krisha Mae Dalanon, Harold Celino, Ferly Osial Marquez, Quiel Hernandez, at Antonio Rubianes.