New show, new hope for Filipinos

May bagong aabangan kay Angel Locsin ngayong naka-lockdown tayong lahat sa ating mga bahay.

Mapapanood na simula ngayong Linggo, 6:00pm sa Kapamilya channel ang “Iba ‘Yan.”

Hindi ito isang serye, na kadalasan niyang ginagawa. This time, ay susubukan muna niya ang maging isang TV host.

”Kakaiba ang proyektong ito. Ito po ay proyekto na binuo po ng pagmamahal at punung-puno ng malasakit sa kapwa.

“I think, ito ‘yung kailangan natin sa mga panahon ngayon. ‘Yung makakarinig ka ng mga inspiring na kwento mula sa ibang mga tao, na kahit walang-wala sila, pero nakuha pa rin nilang tumulong sa kapwa nila,” sabi ni Angel sa interview sa kanya ni MJ Felipe sa TV Patrol.

Patuloy niya, “Ako po, bilang si Angel Locsin, na nakikita ninyong nagbibida sa teleserye, sa pelikula, pero this time, hindi po ako ang bida rito. Kundi ibibida po natin dito ‘yung kuwento ng kahanga-hanga, kuwento ng tumutulong sa kapwa, sa panahon ng pandemic. Kaya exciting talaga ito.”

Hangad ng aktres na marinig ng buong mundo ang kanilang mga kwento.

“Etong proyekto natin, hindi lang tayo natatapos sa kwentuhan lang. Tayo’y kumikilos. Mero’n ditong kaakibat na aksyon.

“So bawat misyon po natin ay meron po tayong munting tulong na ibibigay sa mga taong ito, para mas makatulong pa po sila sa mga tinutulungan nila, sa aming munting paraan.”

Samantala, mahigit isang milyon na ang kinita ng unang batch ng items sa kanilang Shop and Share 2020.

Naka-auction na ngayon ang second batch ng items kabilang ang mga sapatos nina Kathryn Bernardo at Zsa Zsa Padilla, ang rare collectible toys ni Ogie Alcasid, at ang Miss Universe official candidate pin ni Catriona Gray, na ginamit niya mismo sa pageant.

“Eto ‘yung sinasabi ko, ‘yung bayanihan ng mga Pilipino. Buhay na buhay ‘yun. ‘Pag kwento ng Pilipino, iba nga talaga ‘yun, eh.”

Dagdag pa rito, nagpadala ng tulong si Angel kasama sina Bea Alonzo at grupong “I Am Hope” sa mga jeepney drivers at miyembro ng Piston, na nakulong noong isang linggo, gaya ng pagkain, gamot, sanitation items at iba pa.

Leave a comment