Nadine Lustre has butterflies on her stomach

by PSR News Bureau

Photo grabbed from:IG@crazyforjadine
Photo grabbed from:IG@crazyforjadine

Hindi naman kinakailangang kabahan pa si Nadine Lustre sa magaganap na post-Valentine concert nila ng katambal na si James Reid sa Smart Araneta nitong Sabado, February 20. Pero sadyang hindi daw mapigilan ng magandang kapartner ni James ang kabahan dahil malaking venue nga naman ang Big Dome. Patuloy nga ang assurance na ibinibigay ni James sa dalaga. Ipinapaalala nito na marami naman ang tagasubaybay ng tambalan nila na mas kilala sa taguring JaDine. Sinisiguro ng binata na hindi sila pababayaan ng mga ito at manonood ang kanilang mga tagahanga.

Magsisilbing huling salvo ng tambalang JaDine ang kanilang magiging concert lalo pa’t nalalapit na ang pagtatapos ng hit teleserye nilang On The Wings Of Love [OTWOL] sa ABS-CBN. Marami nga sa kanilang mga tagahanga ang nalulungkot sa pagtatapos ng love story nina Clark at Leah. Palaisipan pa rin sa lahat kung kanino mag-endup ang karakter ni Nadine as Leah. “Maghanda kayo ng maraming tissue kasi paniguradong iiyak kayo sa pagtatapos ng OTWOL,” tanging nasabi ni Nadine.

Nitong Valetine’s Day ay may ilang nakakita sa dalawa na magkasamang lumabas sa isang mall. Sobrang kumportable na raw sila sa isa’t-isa pero nananatili pa rin daw silang magkaibigan lang. Hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanilang fans ang umaasam na sana ay maging makatotohanan na ang relasyon nina James at Nadine. Katwiran ni Nadine, ayaw naman daw nilang lokohin ang fans nila. Kaya’t hindi nila ito gustong umasa. Kung sakali man daw na maging sila nga in real life, hindi naman daw nila ito itatago. Pero gaya ng ilang beses nilang

Photo grabbed from:IG@wljdunitedstates
Photo grabbed from:IG@wljdunitedstates

sinasabi, sa ngayon ay nananatili silang mabuting magkaibigan. No more, no less. Ang importante daw ay nagkakasundo sila sa maraming bagay at komportable na sila sa isa’t-isa.

Tiyak daw na pinaghandaan nina James at Nadine ang nalalapit nilang concert sa Sabado. Marami daw silang production numbers na tiyak na ikatutuwa ng kanilang fans. Siyempre pa, siguradong may kilig overload na naman lalo pa’t pagsasamahin sa stage ang dalawa sa pinakahinahangaang bituin ng kanilang panahon. Siniguro rin nila James at Nadine na mage-enjoy ang makakapanood ng kanilang post-valentine concert at magiging sulit ang kanilang ibabayad. Ang concert na ito ay handog nila sa JaDine na walang sawang sumusuporta sa kanila magmula pa noong ginawa nila ang unang hit movie nilang “Diary Ng Panget.”

Leave a comment