Mhack Morales reveals experience with director Joel: Nasabihan ako ng tanga

Aminado si Mhack Morales, isa sa main cast ng pelikulang Anak ng Macho Dancer, na mas na-challenge siya at mas kinailangan ng lakas ng loob na makatrabaho ang direktor nilang si Joel Lamangan kaysa sa mga ginawa niyang daring scenes at frontal nudity sa pelikula.

“Yung makatrabaho si Direk Joel Lamangan malaking challenge talaga sa akin. Kasi sa una manginginig ka talaga muna sa takot e. Pero dahil din naman sa kanya kaya nagiging magaling din kami. Kaya yung mahihirap na mga eksena nagawa naman namin nang maayos dahil sa kanya,” rebelasyon ni Mhack.

May point ba sa shooting na nasigawan siya o namura ni Direk Joel?

“Oo meron, lahat naman kami. Ako nga nasabihan ng tanga e. Kasi meron kaming scene ni Tito Jim (Pebanco). Tapos hindi namin alam kung sino ba ang mali, ako ba, ‘yung pwesto ko ba, yung cameraman?

“Tapos ayun nasabihan ako ng tanga. Sabi ni Tito Jim, ‘Okay lang yan, Mhack.’ Sabi ko, ‘Sige po.’ Tapos ‘yun nagbatuhan kami ng linya ni Tito Jim. Sabi niya, ‘Mhack pag binatuhan kita ng wala sa script, batuhan mo rin ako ha.’ ‘Ano po ‘yung batuhan?’ Adlib pala. So, yun nagawa namin. Tapos pumalakpak si Direk,” kuwento ni Mhack. 

Kaya nga nagpapasalamat si Mhack hindi lang kay Jim kundi maging sa iba pa nilang kasamang magagaling na mga artista na umalalay sa kanila sa movie gaya nina Jaclyn Jose, Rosanna Roces, Jay Manalo at Allan Paule.

Kasama rin sa movie sina Elora Españo, Ricky Gumera, Charles Nathan, Eisel Serrano, Miko Pasamonte, at ang lead actor na si Sean De Guzman. 

Produced by Godfather Productions ng mabait na producer na si Joed Serrano kasama ang Blackwater, ang Anak ng Macho Dancer ay mapapanood worldwide via KTX.PH ngayong Enero 2021.

To be ammounced soon ang actual playdate. 

Leave a comment