Marion felt unsafe at ‘Revirginized’ set, under therapy now; Lala Aunor to meet Boss Vic to discuss the “pambabastos” incident

Awang-awa si Ms. Maribel Aunor sa sinapit ng anak na si Marion Aunor sa kamay ng manyakis.

Nangyari ang insidente sa lock-in shooting ng pelikulang Revirginized sa Subic na pinagbibidahan ng Megastar na si Sharon Cuneta.

Kampante si Ms. Lala (nickname ni Maribel) na safe si Marion dahil alam niyang maaalagaan ito. Kaya hindi niya inaasahan na mababastos ng taga-Viva pa mismo ang kanyang anak.

Lahad niya, “Hindi ko na-imagine na mangyayari kay Marion iyon, kasi alam ko alaga naman at ‘di pababayaan ng Viva ang mga artists nila.”

Kailangan daw kasi sa eksena na mag-drive ng van si Marion, pero manual ito kaya tinuruan siya ng nasabing driver dahil automatic transmission ang car ni Marion.

Okay naman daw noong una, ngunit nang kukunan na mismo ang eksena ay nag-take advante na ito kay Marion, na hindi na in-elaborate pa ni Ms. Lala.

Kuwento pa ni Ms. Lala, “Kasi noong sinundo ko si Marion sa studio ng Viva, madaling araw na yun ng March 9 pa, nakita ko malungkot siya, parang naiiyak.

“Sabi ko (sa sarili ko), parang ‘di siya masaya, katatapos lang ng shoot nila.”

Dagdag pa ni Ms. Lala, “Sa phone may nasabi na siya sa akin pero di ko naman alam na ganoon kagrabe, affected siya.

“Nasabi lang niya na naiinis siya sa driver kasi pervert nga raw. Yung nagturo sa kanyang mag-drive ng manual. Noong una okay naman, malayo naman magturo… pero marunong naman si Marion ng manual transmission. Ni-review lang niya, kasi natakot siya dahil vintage na yung Volkswagen na van.”

Pagpapatuloy pa ng mom ni Marion, “Noong magkita na kami, noong umuwi na siya, iyak na siya nang iyak sa kotse. Kaming dalawa lang kasi noon, kasi ako lang sumundo sa kanya at ‘di na ako nagpa-drive pa.”

Saad pa ni Ms. Lala sa sinapit na pambabastos ni Marion, “Noong mag-shoot na sila ulit, ewan daw niya at bakit kailangan pa siya turuan ulit ng ganoon, kasi alam naman na niya. May nagsabi pa raw na kandungin na lang si Marion, eh samantalang na-drive na nga niya at no need na turuan pa siya.

“Bastos talaga!” giit pa ni Ms. Lala.

Pagpapatuloy pa niya, “Magsu-shoot na sila nila Mega, nandoon din kasi sa van kaya ‘di na lang kumibo si Marion sa pambabastos ng driver, kasi, mag-uumpisa na ang shoot. Pero sa loob niya, sobrang naiiyak na siya.

“Tumabi pa yata sa loob ng driver’s seat noong shoot na at siya pa umaapak sa accelerator daw, eh marunong naman si Marion mag-drive. Kaya ‘di niya maintindihan kung bakit kailangang nandoon pa yung driver sa loob ng van at nakatago.

“Mas delikado pa nga raw yung ginawa ng driver, kasi lalong ‘di makokontrol ni Marion ang pagpapatakbo.

“Kaya nga masakit sa akin ang nangyari kay Marion, kasi wala ako roon dahil bawal ang may companion dahil pandemic,” mahabang esplika pa ni Ms. Lala.

Sa ngayon ay sumasailalim sa therapy si Marion dahil sa inabot na trauma.

Kapag nakakakita raw kasi ng mga driver na malaki ang tiyan na parang siga-siga, natatakot na si Marion at umiiwas na agad.

“Ayaw nang mapag-usapan ni Marion yung incident, kaya sa therapist na lang siya nagsasabi lahat and every after session niya, lalabas siya sa room, namamaga ang mata sa kakaiyak. Kaya roon ako naaawa sa anak ko.”

Nag-usap na ba sila ni Boss Vic del Rosario?

Aniya, “Kinausap naman agad ni Boss Vic siya (Marion) sa phone, kasi may nag-report kay Boss Vic agad, yung handler yata ni Marion at paiimbestigahan daw ang driver. ‘Di lang kami sure kung ano na nangyari, wala pa kaming concrete na news.

“Mabait si Boss Vic kay Marion. Marami nga siyang project sa kanya this year. Siguro naman naaksiyonan na nila yung driver na iyan,” sambit pa ni Ms. Lala na idinagdag pang hihingi sila ng appointment sa top honcho ng Viva Films.

Leave a comment