Marian backs out of GMA serye ‘My First Yaya’

Para matapos na at maliwanagan na ang mga blind item na umiikot tungkol sa isang aktres na hindi na itutuloy ang pagbibidahan niyang TV project, kinumpirma na mismo ni Marian Rivera na hindi na niya itutuloy na gawin ang show na My First Yaya ng GMA!

Pagtatambalan sana nila ni Gabby Concepcion ang naturang proyekto sa kauna-unahang pagkakataon.

Bukod dito, ang My First Yaya sana ang isa sa mga handog na bagong shows ng GMA sa publiko this year, pero tulad ng alam nating lahat, napakaraming binago (at ginulo) ng COVID-19 pandemic sa buong mundo.

Health and safety ng kanyang mga anak na sina Zia (na four years old ngayon) at Ziggy (na one year old) ang main reason ni Marian kung bakit umatras na siya sa My First Yaya.

Kapag kasi nag-taping si Marian, hindi siya maaring mag-uwian araw-araw bilang pangangalaga sa kalusugan ng mga anak niya.

Kaya upang maiwasang makumpromiso ang kalusugan ng kanyang mga anak, kakailanganin niyang magpa-quarantine bago umuwi mula sa pangmatagalang taping.  

Kakailanganin ding i-lock in siya sa taping nang matagal na panahon (mga ilang linggo o buwan marahil); bahagi ito ng umiiral na safety protocols ngayong may pandemic.

At hindi kaya ni Marian na mawalay nang matagal sa kanyang mga anak, at kay Dingdong Dantes, siyempre!

 “Mahirap man sa akin, kasi hinulma itong karakter na ito para sa akin, at nung storycon, sinabi nila na ginawa nila ang First Yaya ayon sa kapasidad na mag-swak sa akin, e, nagkaroon nga ng pandemya.

“Sabi ko, kinausap ko ang GMA kung paano ang magiging protocols nila sa taping.

“Sinabi nila, may lock in, hindi muna uuwi, or parang Descendants na nandun lahat.”

Tinapos ng mister ni Marian na si Dingdong Dantes ang taping nito para sa Descendants Of The Sun kaya malapit nang umere ang mga fresh episodes ng DOTS.

“Sabi ko, ‘Naku, parang mahirapan yata ako diyan.’

“Gustung-gusto kong gawin ang First Yaya. Nakakasa na ako diyan. Buong puso at isip ko, nakalaan na gagawin ko iyan.

“Nagkataon na may pandemya tayong hinaharap ngayon. Sabi ko talaga, ‘Siguro, hindi pa ito yung time.’

“Kasi, mahirap sa akin naka-lock in, hindi ko makita ang mga anak. Nagpapadede pa ako kay Sixto, inaasikaso ko pa si Zia sa online class niya.

“‘Tapos, hindi ako uuwi ng bahay?

“Sabi ko, ‘Naku, paano ito, hindi ko kakayanin.’

“In fairness sa GMA, naintindihan nila kung saan ako nanggaling.

“Laking pasasalamat ko talaga sa GMA na every time na may ganitong nangyayari sa buhay ko, nabubuntis ako, hindi ko puwedeng gawin, e, bukal sa loob nila na tanggapin nila ang desisyon ko at sinusuportahan nila ako dun.

“Kaya very thankful ako sa GMA na sobra-sobrang lawak ang pagkakaintindi nila sa akin.

“Sinabi naman nila na naiintindihan naman nila ang desisyon ko na hindi ko kayang gawin,” pahayag ni Marian.

Hindi pa alam kung ano ang desisyon ng GMA; kung ise-shelve muna ang My First Yaya at itutuloy na lamang kapag natapos na ang pandemic at si Marian pa rin ang female lead o kung hahanap ang GMA ng kapalit ni Marian na bidang babae na kapareha ni Gabby Concepcion.

Ayon sa Kapuso Primetime Queen, kung anuman ang desisyon ng GMA ay ayos lamang sa kanya, kung palitan man siya o i-shelve muna ang proyekto.

Samantala, hindi naman masyadong apektado ng pandemya ang show ni Marian na Tadhana; sa bahay siya nagte-taping nito at ang direktor niya ay walang iba kundi si Dingdong mismo.

Leave a comment