Lahat naman ng paghihiwalay, may kirot—Jane Oineza

Hiwalay na ang Kapamilya actress na si Jane Oineza sa nobyong si Kyle Secades na dating PBB housemate.

Sey pa niya, masaya naman daw siya sa estado niya bilang single dahil nakakapag-focus siya sa kanyang career.

Dagdag pa niya, hindi raw naman siya naghahanap ng lovelife sa kasalukuyan dahil kung talagang uukol, darating at darating daw ito kahit hindi niya hanapin.

Aminado rin si Jane na sa mga previous relation niya sa kanyang ex, may nararamdaman siyang kirot.

“Lahat naman ng relasyong nauwi sa hiwalayan, may kirot. Lahat naman ng paghihiwalay, may kirot kahit pa mutual iyong naging desisyon ninyo,” aniya.

Gayunpaman, gusto raw niyang maging positive sa pananaw at alalahanin ang mga magagandang bagay na naranasan niya noong siya ay nagmahal.

“Gusto kong ilaban na pag masaya ka, mas matatandaan mo siya kasi marami kayong memories sa lahat ng bagay. Hindi mo naman matatanggal iyon dahil nakaraan mo iyong taong iyon. Kasi naging part na iyon ng pagkatao mo sa kung sino ka ngayon. Kahit tapos na kayo, kahit hindi na kayo, part na siya ng sarili mo, despite everything, despite the heartbreak at mahirap ma-define ang self mo through your heartbreaks,” paliwanag niya.

Masaya naman si Jane dahil nabigyan siya ng pagkakataon na muling makatrabaho si Jerome Ponce na nakasama niya noon sa Kapamilya teleseryeng “Nasaan Ka Nang Kailangan Kita?”

“Hindi ko akalain na mabibigyan ako ng chance na magkasama kami sa isang movie kaya happy ako,” ani Jane.

Hirit pa niya, proud siya na nag-mature na ang kapareha pagdating sa pananaw nito at malaki na ang iginaling nito pagdating sa pag-arte.

Nilinaw din niya ang napabalita noong  nagkamabutihan sila ng actor.

“Hindi naman naging kami to begin with,” paglilinaw niya. “Parang hindi nag-bloom. Parang puwede na makakarating naman sa ganoon kasi nag-uusap naman kami. May potensyal siya pero  hindi umabot doon. I can’t say kung nag-work o hindi kasi hindi namin na-try,” pahabol niya.

Kahit daw hindi naging sila, nananatili raw silang magkaibigan ni Jerome.

“Hindi naman mawawala iyong friendship, iyong communication. As a person kasi, sweet siya, maaalahanin, mabait at may sense of humor,” paliwanag niya. “Iyon iyong mahalaga sa akin, Iyong  comfortable kami sa isa’t-isa. Ganoon lang, walang pretensions,” dugtong niya.

Papel ng bride-to-be best friend ni Nel (Jerome) ang papel ni Jane sa “Finding You,” ang romantic drama na palabas na sa lahat ng mga sinehan simula sa Mayo 29.

Mula sa produksyon ng Regal Entertainment at sa direksyon ni Easy Ferrer, kasama rin sa cast sina Barbie Imperial, Claire Ruiz, Kate Alejandrino, Jon Lucas at Paeng Sudayan.

Leave a comment