John Arcilla reacts to Best Actor noise: Unang-unang magiging masaya ay si Fr. Suarez

Si John Arcilla ang bida sa pelikulang Suarez: The Healing Priest, na produced ng Saranggola Media Productions.

Mula ito sa direksyon ni Joven Tan. Ang pelikula ay tungkol sa life story ng namayapang si Father Fernando Suarez, na isang healing priest.

Namatay siya nito lang February 4 ng taong kasalukuyan.

Sa intimate presscon ng Suarez: The Healing Priest, sinabi ni John na hindi niya talaga kilala, o wala siyang alam tungkol kay Father Suarez.

Sabi ni John, “Naririnig ko lang siya sa sister ko kasi nag-a-attend ang sister ko ng kanyang mga healing masses. Pero hindi ko siya madalas naririnig. Malinaw lang sa akin na si Father Suarez is a healing priest.

“Pero hindi ko pa siya nakikita. Kaya lang, believer kasi ako ng healing eh. Mula pagkabata kasi, nakatira ako sa kumbento nu’ng pari. So, roon ako lumaki nu’ng high shool ako, apolyte ako, ano ‘yun, altar boy.

“Pagkatapos assistant to choire master ako. And may naghihilot sa akin tuwing may sakit ako. So na-acquire ko ‘yun. Actually ‘yung hilot na ‘yun, minsan ginagawa ko, sa mga kapatid ko, sa barkada ko.”

Nagdalawang-isip pala muna si John bago niya tinanggap ang Suarez: The Healing Priest.

“Kasi tinanggap ko ‘to thru ABS-CBN team. Merong isang team sa ABS-CBN, tinanong ako kung gusto ko ito (pelikula), and I said yes. Tapos sabi ko, pahingi muna ng script. Habang hinihintay ko ‘yung script na dumating, nag-research ako.

“Nakita ko ‘yung controversies. Gusto kong mag-back out. Sabi ko, sandali baka maging mouth-piece lang ako ng isang controversy na idya-justify ko ang isang tao.

“Parang ayoko yatang gawin. So, gusto kong gumawa ng alibi na tumanggi, na hindi masisira ‘yung aking honor. Na nagsabi ng yes, tapos bigang babaligtad. So nahirapan ako roon, sobrang nahirapan talaga ako.”

Nag-isip daw ng paraan si John kung paano niya tatanggapin o hindi ang pelikula ng naging kontrobersyal na pari.

“Nakaisip ako ng paraan. Sabi ko sa team, pwede bang pakisabihan sila, ang team nila Father Suarez, na gusto ko sanang makipag-story conference sa kanya. 

“Ikuwento niya lang sa akin ‘yung script, ganito, ganyan. Pero actually, ang gusto kong mangyari, makapagkwento siya ng tungkol du’n sa controversy, na hindi ko siya tinatanong personally. Kasi mai-embarass naman ako para tanungin siya. 

“So pumayag naman sila. Pagdating doon, very positive ‘yung atmosphere tapos, sobang napakagaan niyang kausap. Kasi, nu’ng ni-research ko na siya na, napanood ko ‘yung video niya.’Di ba ang galing-galing niyang mag-homily? 

“Talagang mesmerized talaga ako, napapanganga talaga ako. Saan nanggagaling ‘yun? Sabi ko, siguro nanggagaling..parang kinukuha niya sa nasa Itaas ‘yung mga ideas.

“Tapos isa rin ‘yun sa dahilan kung bakit sabi ko, sandali, hindi ko muna pagbibigyan ‘yung doubt ko, kailangan ko muna siyang siyang makausap.

“Pagdating du’n, nakakita ako ng isang pangkaraniwang tao. Hindi ‘yung paring nakikita ko nagho-homily larger than life, in many parts of the globe, different people rich and poor, ibat ibang nasyunalidad, hindi ‘yun. Kundi isang simpleng tao sa harap ko, na nagkukwento, na hindi dyina-justify ‘yung sarili niya, hindi siya defensive.

“I saw the honesty and sincerity. So from that air, in-embrace ko ‘yung project. Well, siyempre, hindi naman ako nagi-guilty na kailangan ko rin namang mag-isip kung ano talaga saka ko lang in-embrace (yung pelikula).

“Natuwa ako nu’ng tanggapin ko siya, kasi na-vindicate siya a week after we finished the script.”

Sa mga nakapanood na ng trailer ng Suarez: The Healing Priest, iisa ang reaksyon nila, pang-best actor ang akting na ipinamalas dito ni John.

Siguradong malaki raw ang tsansa na maiuwi nito ang Best Actor trophy sa darating na MMFF Awards Night.

Ano ang reaksyon ni John tungkol dito?

“Sana! Pero ayokong manigurado,” sagot niya.

“Kasi ang sakit ‘pag hindi nangyari. Although alam mong lahat naman ng aktor, lahat naman ng gumaganap, gustong ma-recognize ‘yung trabaho nila. 

“Kung ako ‘yan, ang unang-unang magiging masaya ay si Father Suarez. Kasi pangarap niyang manalo ‘yung pelikula at pangarap niya akong manalo. 

“Siya ang mas may pangarap,” natatawang sabi pa ng award-winning actor.

“Ako naman kasi naniniwala ako na ang bawat award-giving bodies, may sarili silang criteria. Kung mananalo ako thank you so much! Pero kung hindi, okey lang. Siguro sa tingin nila mas may magaling.”

Ang BidaMan grand winner na si Jin Macapagal ang gaganap na batang Father Suarez.

Sa December 7 ang start ng advanced online ticket selling via upstream.ph. May magaganap na healing kapag pinanood ang Suarez: The Healing Priest. 

Leave a comment