JC de Vera gets real with priorities in life

Aminado ang Kapamilya actor na si JC de Vera na nabago ang priorities niya mula nang makilala niya ang kanyang live-in partner na si Rikka Alyssa Cruz.

“Masarap ang pakiramdam na nahanap ko na iyong one great love ko,” aniya.

Napagtibay pa raw ito nang isilang ang kanilang anak na si Lana Athena na para sa kanya ay bukal ng kanyang kaligayahan at inspirasyon sa buhay.

“Sila ang source ng strength ko, ng happiness ko at inspirasyon ko. Kumbaga, para sa kanila ako bumabangon araw-araw,” paliwanag niya.

Umamin din siya na nabago ang priorities niya mula nang magkapamilya siya.

“Ever since naman, goal-driven ako. Maayos ang direksyon ng buhay ko talaga, pero noong nahanap ko na ang da one ko at nagkaanak ako, mas naiba ang priorities ko,” aniya. 

“Above anything, sila ang dapat mauna. Siyempre, kailangang mawala ko na iyong ugaling pagkabinata. May mga times na niyayaya ng mga kaibigan. There are times na lumalabas, pero hindi ko na sinasagad ang sarili ko kahit sa work. Kailangan kasing maging priority ang family,” dugtong niya.

Iba rin daw ang kaligayahang ibinibigay sa kanya ng pagiging ama.

“Iyong priorities ko talaga, naging different. Iyong pagpapalit ng lampin at iyong walang tulog, totoo iyon, naranasan ko iyon. Basta, kapag nasa ganitong estado ka na, nag-iiba na ang priorities mo sa buhay,” pagkukumpisal niya.

Aminado raw siyang paminsan-minsan ay nagseselos ang kanyang live-in partner pero normal lang daw iyon sa magkarelasyon.

“Meron talagang stage na ganoon. Hindi maiiwasan iyon. Kahit sino namang non-showbiz na ipinasok mo sa industriya natin ay masho-schock namang talaga,” esplika niya.

Kahit  nasa showbiz, ayaw i-expose ni JC ang kanyang mag-ina sa publiko. 

“Ever since naman, siya and her family is very private. They’re all very simple and humble . Ayoko silang i-expose because simply hindi sila ganoon at hindi sila magiging komportable sa ganoon,” deklara niya.

Si JC ay mapapanood sa pelikulang “One Great Love” kung saan katambal niya si Kim Chiu.

“It’s my first time to work with Kim in a movie. Bilib ako sa professionalism niya at iyong passion niya for work,” hirit niya.

May dalawang love scenes sila sa pelikula: isang bed scene at bathtub scene sa yate.

Paliwanag niya, wala raw namang awkward moments sa kanila ni Kim dahil in-assure na ito na aalalayan sa nasabing mga sizzling scenes.

“It was done in good taste at magaling iyong director namin na si Direk Eric (Quizon) so alam ni Kim na aalagaan siya sa mga anggulo,” pagwawakas niya.

Bukod kay Kim, tampok din sa One Great Love si Dennis Trillo bilang katriyanggulo niya sa kuwento.

Kalahok sa 2018 MMFF, kasama rin sa cast sina Marlo Mortel at Miles Ocampo.

Leave a comment