Janine joins relief efforts for Typhoon Ambo victims; Carla, Tom shows “leche flan” recipe

Wala raw naka-set na routine si Kapuso actress Janine Gutierrez na namamalaging mag-isa sa kanyang condo unit habang nasa ilalim ng enhanced community quarantine ang ilang bahagi ng bansa.

Iba-iba raw ang ginagawa niya kada araw, depende sa kanyang mood. “May days na sobrang pumped up ako, I feel so productive, tapos may days naman na I’m kinda sad. I learned na you also don’t have to be too hard on yourself with the illusion na kailangan mong maging sobrang productive,” kuwento niya.

Gayunman, pinapanatili pa rin naman niyang busy ang sarili sa mga gawaing-bahay at pakikipag-communicate sa mga pamilya at kaibigan. 

“It’s different everyday pero for sure I do a lot of chores. Dishes, laundry, linis-bahay, so everyday is different for me. Mayroon akong laundry day, mayroon akong linis day. I also talk to my family and my friends a lot. I watch a lot of Netflix,” dagdag pa niya.

Samantala, nanawagan ng tulong si Janine para sa mga pamilyang nasalanta ng Bagyong Ambo sa San Policarpio Samar, nitong Lunes, Mayo 18.

Ipinost ng National Youth Ambassador ang post ng charity organization na Sirak SanPoli sa kanyang Instagram Story kasabay ng kanyang paghingi rin ng tulong para sa mga apektadong residente.

“Help the relief operations for the victims of Typhoon Ambo in San Policarpio, Samar,” aniya.

Bisitahin ang official site ng GMA Kapuso Foundation para alamin ang iba’t ibang paraan kung paano makakatulong at makapagbigay ng donasyon.

*****

Pinatakam ng Kapuso couple na sina Carla Abellana at Tom Rodriguez ang netizens sa kanilang latest YouTube vlog kung saan nagluto ang dalawa ng specialty ni Carla na Leche Flan.

Ayon sa Kapuso actress, high school pa lang daw siya ay kinahiligan na nito ang paggawa ng classic Filipino dessert na siya ring paborito ng boyfriend na si Tom. 

Habang nasa ilalim pa rin ng community quarantine ang bansa, ibinahagi nina Carla at Tom ang nakakatakam at madaling Leche Flan recipe na tiyak ay kayang-kayang sundan ng mga netizens na nais may pagkaabalahan sa kani-kanilang tahanan.

Kinakiligan naman ng netizens ang ka-sweetan ng Kapuso couple na kasing-tamis daw ng inihandang Leche Flan. “Sweet na leche flan, sweet na couple.

Perfect combination!” Ani pa ng netizens ay swak na swak daw ang personalities ng TomCar para sa isa’t isa, “Best match talaga sila haha isang seryoso at isang makulit.”

Samantala, muling napapanood ang rerun ng My Husband’s Lover na siyang pinagbibidahan nina Carla at Tom kasama si Kapuso Drama King Dennis Trillo kapalit ng Love of my Life sa GMA Telebabad.

Leave a comment