MAY bagong pelikula ang award-winning indie actor na si Tonz Llander Are. Ito ay pinamagatang Ani at ayon sa kanya, naka-relate siya nang husto sa papel na ginampanan dito bilang isang magsasaka at padre de familia ng walong anak.
Aniya, “Ang pelikulang Ani ay istorya ng isang pamilya na ang ikinabubuhay lamang nila ay ang kanilang lupang pagmamay-ari, ang kanilang lupang sakahan.
“Ginawa ko itong film dahil nakaka-relate ako sa istorya dahil sa totoong buhay noon, ito ang bumuhay sa amin, ang mag-harvest ng palay.”
Pagpapatuloy pa ni Tonz, “Ako po ang lead dito at si Betty na ginampanan ni Abegail Hernandez. Wife ko rito si Abegail na finalist ng Sexy Babe sa Its Showtime at eight ang anak namin dito.”
Si Tonz ay hindi lang bida sa naturang proyekto, siya rin ang sumulat at nagdirek ng pelikulang Ani.
Nabanggit din niya kung bakit Ani ang titulo ng pelikulang mula sa Daydreamer Entertainment Production.
Wika ni Tonz, “Ani ang title na naisipan ko kasi about ito sa isang magsasaka na si Allan. Naranasan ko kung ano ang naranasan ng character ni Allan na ako rin po ang gumanap.
“Actually, tribute ko po ito sa mga magsasaka natin, dahil sabi ko nga, naranasan ko sa totoong buhay ang maging magsasaka at alam naman natin kung gaano sila kahalaga sa ating lipunan.”
Mahirap ba ang maging bidang aktor na, direktor pa?
Esplika ni Tonz, “Pang-pito ko na ito na film na idinirek, dalawang full movie, apat na short films, at isang music video. Sa part ko bilang actor/ director, hindi naman ako nahirapan. Kasi ang mga actor ko ay gamay ko na sila, kaya mabilis lang sila i-guide pagdating sa set. Kaya napagsasabay ko ang pag-arte at pagdidirek sa kanila.”
Dagdag pa niya, “Walo ang anak ko rito, iyong isa ay may kapansanan, kaya po mabigat ang mga eksena namin. Binago po ang image ko rito, pinatanda po kami ng partner ko rito, pati sa galaw namin bilang mag- asawa.
“Makikita rito ang isang pamilya na payapang namumuhay maski ang ikinabubuhay lang ay sa pagtatanim. Ipinakikita rin ang kahalagahan ng pinagkukunan ng kabuhayan at dito nasusukat ang tatag ng isang pamilya, plus ang kahalagahan nito na may kalakip na pagmamahal.
“Na minsan, dahil sa kakapusan at pagiging salat sa hirap. ang tao napipilitan gumawa ng maling desisyon na inaakalang makabubuti sa pamilya na nais itaguyod ng isang haligi ng tahanan.”
Aniya pa na hindi dapat maging padalos-dalos, ang solusyon ay pinag-uusapan ng mag-asawa bilang sila’y magkatuwang sa pagtaguyod ng kanilang pamilya.
Mahahanap ba nila ang tamang solusyon sa suliranin ng kanilang pamilya, bilang magkatuwang na pundasyon ng kanilang tahanan?
Tampok din sa pelikula sina Nicolle Ulang, Jhana Villarin, Prince Rae Dantes, Gabriel khail Fragada, Don Sandino Asuzano, Ghan Belarmino, Clarence Fragada, Bien Bondal, Fiona Ulang, Jhon Paul Nierves, Edrain Yee Celino , JR Celino, Azhyl Melezandre, Jesu Palentinos, Hanna Rie, Angelyn Cequeña, Christian Escudero, Cheng Agapay, at Antonio Rubianes.