‘Husband for sale’ coming this Saturday on ‘MPK’

Lahat ay kayang gawin at isakripisyo ng asawang babae para lamang panatilihing buo at matatag ang kanyang pamilya pero paano naman kung kailangan n’yang ibenta ang sariling mister kapalit ng namimiligrong buhay ng kanyang ama?

Ngayong Sabado, tunghayan natin ang nakakaintriga pero tunay na kwento ni Precy – isang ginang na ibinenta ang kanyang mister para lamang iligtas ang buhay ng kanyang ama!

Itinakwil sina Precy at Anthony ng kanilang pamilya dahil maaga silang nag-asawa. 

Nagdanas sila ng hirap pero hindi ito naging dahilan upang maitaguyod nila nang maayos ang kanilang pamilya.

Isang araw, nakilala ng mag-asawa si Rochelle at tinulungan sila nito. Mula sa mahirap na kalagayan ay naging maginhawa ang buhay nina Precy at Anthony dahil kay Rochelle.

Naging malapit ang loob ni Anthony kay Rochelle hanggang sa natuklasan ni Precy na may relasyon na pala ang dalawa! 

Kinompronta ni Precy sina Anthony. Humingi naman ng tawad si Anthony kay Precy at nangakong magbabago na.

Subalit, nagkasakit nang malubha ang ama ni Precy at nangailangan ang pamilya ng malaking pera.

Dahil sa sobrang kagipitan at wala nang iba pang matakbuhan, lumapit na si Precy kay Rochelle para mangutang.

Pero paano kung ang hinihinging kapalit kay Precy ni Rochelle ay ang bilhin si Anthony? 

Paano kung ibenta nga ni Precy ang kanyang mister sa naging kabit nito? Tuluyan na nga bang masisira ang pamilya nina Precy at Anthony?

Ngayong Sabado, May 22, ating abangan sa Magpakailanman ang nakakawindang pero totoong kwento na “Husband for Sale.” 

Itinatampok ang mahusay na pagganap ng mag-amang sina Carla Abellana  at Rey “PJ” Abellana bilang Precy at Ador.

Kasama rin sina Rap Fernandez bilang  Alex, Katrina Halili bilang Rochelle, Karla Pambid bilang Betty, Rafael Rosell bilang Anthony at Justin De Leon bilang Justin.

Sa ilalim ng direksyon ni Lord Alvin Madridejos, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik nina Karen Lustica at Stanley Pabilona.

Leave a comment