Guerrero’s best child actor prepares for the movie’s part two

Natutuwa ang child actor na si Julio Sabernorio dahil magkakaroon na ng sequel ang indie film na “Guerrero” mula sa EBC Films, na gumaganap siya rito bilang nakababatang kapatid ng bidang si Genesis Gomez.

Ang magiging title ng sequel ay “Guerrero Dos, Tuloy Ang Laban” na si Carlo Cuevas pa rin ang magiging director.

“Siyempre napakasaya po namin na magkakaroon ng part 2 ‘yung Guerrero, dahil nga po marami ang nagri-request,” sabi ni Julio.

“Kahit po kaming mga nasa cast, nabitin sa part 1. Kaya gusto rin po namin na magkaroon ng part 2. Hindi po namin ini-expect na magkakroon nga ng part 2,” aniya pa.

Sa part 1 ng Guerrero, maraming pinabilib si Julio. Mahusay kasi siya rito, kahit baguhan pa lang siya sa larangan ng pag-arte. Naging dahilan nga ‘yun para manalo siya bilang Movie Child Actor of The Year sa Star Awards For Movies noong 2017.

May pressure ba na dapat ay magpakitang gilas pa rin siya sa pag-arte sa part 2 ng Guerrero?

“Opo,” sagot ni Julio.

“Nung ginawa ko po ‘yung Guerrero 1, medyo bata pa po ako. Kaya ‘yung mga ginawa ko po ru’n na ginagawa lang ng bata, ay hindi ko na magagawa sa part 2. So malaking challenge po ito sa akin, na dapat po, kung anong gustong ipagawa sa akin ni Direk Carlo bilang isa nang teenager, ay magawa ko pa rin po nang tama at maayos.

“’Pag hindi ko ginalingan, baka po makumpara ‘yung acting ko sa Guerrero 1. Baka sabihin po ng makakapanood ng Guerrero 2, mas magaling ako sa part 1.

“So talagang gagalingan ko pa rin po sa part 2.”

Saan ba siya humuhugot ng galing niya sa pag-arte?

“Sa akin naman po, wala naman po akong pinaghuhugutan. Ang ginagawa ko lang po, kung ano yung role na binibigay sa akin, iniisip ko na lang na ako ‘yun sa totoong buhay.”

Bukod kina Julio at Genesis, kasama rin sa pelikula sina Mia Suarez at Art de Guzman. Ipapalabas ang pelikula sa September ng taong kasalukuyan.

Leave a comment