GMA Princess on working with Superstar: Sobrang kinakabahan po

Isa si Kyline Alcantara sa cast ng bagong afternoon drama series ng GMA-7 na Bilangin Ang Bituin Sa Langit, na TV adaptation ng pelikula ni Nora Aunor noong 1989.

Gumaganap siya rito bilang anak ni Mylene Dizon.

“Ako po rito si Maggie dela Cruz. Isa po akong brat dito,” sabi ni Kyline tungkol sa kanyang role.

Kasama rin sa serye ang bida sa movie version na si Nora Aunor. Aminado si Kyline na sobrang kaba ang nararamdaman niya kapag nakakaeksena niya na ang tinaguriang Superstar ng showbiz.

“Sobrang kinakabahan po, kasi superstar po,” sabi ni Kyline.

Masasabi ni Kyline na surreal experience na makasama niya sa isang serye si Nora.

“It’s surreal for me, kasi wala pong artista na hindi nangarap makasama si Miss Nora Aunor.”

Nangako ang dalaga na gagalingan nito ang pag-arte, dahil bukod kay Nora ay mahusay din ang kanilang direktor na si Laurice Guillen.

“Kinakabahan po ako. Kinakabahan po ako sa buong teleserye. Siyempre po, lahat tayo, gustong maging successful itong Bilangin Ang Bituin Sa Langit.  Kinakabahan po ako sa reaksiyon ng ating mga Kapuso all over the world, kung paano nila ma-appreciate itong Bilangin Ang Bituin Sa Langit. Ang wish ko lang po dito, hindi ako masigawan ni Direk Laurice.”

Si Yasser Marta ang kapareha ni Kyline sa serye.

Kinwento niya kung anong magiging kaugnayan nito sa kanyang character.

“Si Yasser po rito, anak siya ni tito Zoren Legaspi and Miss Ina Feleo. Dahil kay Yasser, makikita ni Maggie na may ibang mundo pa pala, hindi lang puro sa nanay niya. Kumbaga, may reyalidad pala. Doon niya mai-express kung sino talaga siya.”

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakatrabaho ni Kyline si Yasser. Una silang nagkatrabaho sa Kambal Karibal.

“Mas naging close kami ngayon. Si Yas po, masaya siyang kasama, pinapatawa niya po ako palagi. Medyo madaldal nga lang minsan.”

So, si Yasser ang nagpapasaya sa kanya ngayon?

“Well, yeah,” natatawang sagot ni Kyline.

Dagdag niya, “Even my family, my friends at iba pa.”

Bawal pa ba siyang magka-boyfriend?

“Nu’ng tinanong ko ‘yung mga magulang ko..ay, hindi ko po pala sila tinanong. ‘Yung mga kaibigan ko pala ang nagtanong sa kanila in front of me, they said, “No!” Bawal pa raw po kasi, they want me to focus on my career.

“Hindi naman po nila sinasabi na destruction ‘yung lovelife sa career ko, it’s just that, ‘yung main priority mo right now, hindi siya.”

Ang Bilangin Ang Bituin Sa Langit ay mapapanood na simula sa February 24. 

Leave a comment