Elijah describes ‘Gameboys: The Movie’ characters: Ang wild, ang kulit!

Dahil naging matagumpay ang BL series na Gameboys, na pinagbidahan nina Elijah Canlas at Kokoy de Santos, kaya isinalin ito sa pelikula.

Gameboys: The Movie ang title nito, na bida pa rin ang dalawang bagets.    

Sa guesting ni Elijah at Kokoy sa radio show nina Cristy Fermin at Rommel Chika kahapon, sinabi ng una na sobrang excited na siya na mapanood ang kanilang pelikula.

“I’m sure si Kokoy din (excited). Hindi pa po namin napapanood ang pelikula. We were supposed to have a premier po nu’ng Sunday. Kaso po nagkaroon ulit ng GCQ because of the Delta variant, so hindi po natuloy ‘yung advance screening. So, sabay-sabay po kami, everybody else, na manonood tomorrow (which is today, na simula na ng streaming ng Gameboys). Excited lang po akong makita ‘yung produkto na pinaghirapan po ng lahat,” sabi ni Elijah.

Masasabi ni Elijah na ibang-iba ang pelikula nilang Gameboys sa series version nito.

“Well, ibang-iba po talaga ‘yung pelikula kasi magkasama na po sila in the flesh ngayon, ‘yung characters po namin bilang si Cairo at Gavreel. Unlike nu’ng first season, namin na puro video call ‘yung karamihan sa eksena. Pero sobrang mas close na po talaga kami ngayon and nandu’n na nga po ‘yung magkatabi na kami. So, ang dami nang pwedeng gawin sa isa’t-isa. Du’n po papunta ‘yung kwento. Siyempre, wala nang pagpipigil,” natatawang sabi pa ni Elijah.

Dahil sabi ni Elijah ay nagdikit na ang mga katawan nila ni Kokoy sa mga eksena nila sa pelikula, ano ang naramdaman o unang pumasaok sa utak niya?

“Sa totoo lang po, ang kulit ni Kokoy.  Pero other than that po, sobrang saya ko lang po for the character. Kasi ‘yung grabe po ‘yung pinagdaanan ng mga characters namin noong first season, eh. Tapos ngayon, magkasama na sila (character nila ni Kokoy) So, ang saya ko para sa kanila. And at the same time, ang wild, ang kulit nu’ng dalawang ito. Kaya enjoy na enjoy po. Siyempre, mas comfortable naman po kami sa isa’t-isa ni Kokoy, kaya wala pong problema roon. Sobrang kumportable lang, at saya, habang ginagawa po itong pelikula.”

Ang sabi naman ni Kokoy na natatawa tungkol sa pag-uugnay ng mga katawan nila ni Elijah sa pelikula, “Ay masaya! Masaya po!”

Ayon pa kay Kokoy, na-excite siya nang malaman niyang isasapelikula ang Gameboys.

“Sobrang na-excite ako bago pa namin gawin ‘yung proyekto. Nu’ng binabasa pa lang po namin ‘yung script, sabi ko,”My God! Magsasama kami! Gusto ko ‘yan,” natatawang sabi uli ni Kokoy.

May kissing scene sa Gameboys: The Movie sina Elihah at Kokoy. Sa tanong kung may naramdaman ba sila nang gawin ‘yun, ang sagot ni Kokoy,” Marami pong emosyon ang naramdaman. Kung iisa-isahin ko po, marami-rami po ‘yan. May pananabik, may saya, may kilig, may tagumpay din, eh. Ang dami po niyan,” sagot ni Kokoy na natatawa ulit.

“Parang ganun din po, parang si Kokoy, may kilig din po,” sagot naman ni Elijah.

Ang Gameboys: The Movie ay produced ng The Ideal First Company at mula sa direksyon ni Ivan Payawal. Mapapanood ito via KTX.ph.

Leave a comment