EA Guzman plays gay husband in ‘MPK’

Bata pa lang si VJ, alam na n’yang pusong-babae s’ya. Pero hindi sang-ayon ang tatay niyang si Manny sa pagiging bakla niya. Tanging ang nanay niya ang nakakaintindi sa kanya kahit noong unang heartbreak niya sa kapwa lalaki. Pero maaga rin siyang iniwan ng kanyang ina dahil sa cancer.

Habang nagluluksa sa pagkamatay nito, nakilala ni VJ si Rizza. Si Rizza ang nagbalik ng sigla ni VJ. Minsan pang sinabi ni Rizza kay VJ na crush niya ito pero inakala ni VJ na biro lang ito. Hanggang magsimula nang manuyo si Rizza kay Vj, na ikinatuwa naman ni Manny. Pero hindi maatim ni VJ na magkaroon s’ya ng relasyon sa isang babae. Iniwasan niya si Rizza. Lalo namang nagpursigi si Rizza sa panliligaw kay VJ.

Hanggang unti-unting nalito sa nararamdaman si VJ. Lalo na nang makita n’yang may ibang kasamang lalaki si Rizza. Nagselos siya at napagtanto niyang nahulog na rin ang loob niya kay Rizza.

Isang gabi, nag-inuman sina VJ at Rizza kasama ang kanilang mga kaibigan. Nang sumunod na araw, nagulat na lang sina VJ at Riza nang magising silang magkatabi sa kama at kapwa walang mga saplot sa katawan! Ilang linggo ang lumipas at nalaman ni Rizza na buntis siya. Walang pagdadalawang-isip naman na nagdesisyon si VJ na paninindigan ang pagiging ama ng dinadala ni Rizza. At literal na nagpakalalaki si VJ— pinutol ang mahaba niyang buhok at nagbihis-lalaki ulit.

Natuwa si Manny pero hindi ang mga magulang ni Rizza. Gusto nilang matapos agad ang relasyon nina Riza at VJ kahit magkakaroon na ng anak ang dalawa. Ipinagtranggol ni Manny ang anak at dahil sa nangyari, nagbalik ang pagiging malapit ng mag-ama.

Naglive-in sina Vj at Rizza. At gaya ng isang responsableng ama, nagtrabahong mabuti si VJ para matustusan ang pangangailangan ni Rizza at nang parating na anak. Pero isang araw, bigla na lang nagkasakit si Rizza—isang sakit na hindi maipaliwanag at magamot ng mga doktor na hiningan nila ng tulong. Nanghina si Rizza at ‘di nagtagal ay binawian ito ng buhay. At sa kabila ng pagluluksa ni VJ, pinagpilitan pa ng mga magulang ni Rizza na makuha ang anak nila.

Mawawala ba kay VJ ang anak niya? Maghihintay ba ulit siyang ipagtanggol ng ama o magpapakalaki para ipaglalaban ang karapatan niyang mag-aruga at magpalaki sa sariling anak?

Tunghayan ang espesyal at bagong episode ng #MPK na pinamagatang “My Gay Husband” sa pangunguna ni Kapuso Actor EA Guzman, kasama sina Rez Cortez, Tanya Gomez at nna De Leon. Ito ay sa direksyon ni Zig Dulay, mula sa pananaliksik ni Loi Argel Nova at panulat ni Vienuel Ello.

Leave a comment