Director Louie Ignacio praises ‘Litrato’ stars

Puring-puri ni direk Louie Ignacio ang aktres/writer na si Quinn Carrillo sa ipinamalas na performance nito sa pelikulang Litrato.

Ang Litrato ay pinagbibidahan ni Ai Ai delas Alas at pinamahalaan ng award-winning director na si Direk Louie. Mula sa panulat ni Direk Ralston Jover. Tampok din dito sina Ara Mina, Liza Lorena, Bodjie Pascua, at iba pa.

Pahayag ng Kapuso Direktor, “Malaki ang bilib ko sa isa sa mga bagong artistang nakatrabaho ko. Dapat siya mabigyan ng malalaking break sa industriya. Pelikulang magagamit ang husay niya sa pag-arte. Mahusay at malaki ang hinaharap mo sa industriya. Abangan si Quinn Carrillo sa kanyang natatanging pagganap sa pelikulang Litrato.”

Actually, saludo kina Quinn at Ai Ai si Direk Louie sa kanilang pagganap sa mahirap na papel dito.

Sanib-puwersa sina Ai Ai at Quinn sa Litrato para maghatid ng isang pelikulang may kakaibang kurot sa puso ng mga magulang, anak, at apo.

Base sa teaser ng pelikula, kargado ito sa matinding iyakan. Kaya dapat na magbaon ng panyo o maraming tissue kapag pinanood ito sa mga sinehan.

Ang pelikula ay kuwento ng isang lola na may Alzheimer’s disease na ginagampanan ng Comedy Queen na si Ai Ai. Sa unang pagkakataon, si Ai Ai ay gaganap sa ganitong role.

Makikita sa pelikula ang isang matandang babae na nasa care facility na madalas nanghihingi ng mga litrato sa mga taong hindi niya kilala dahil wala sa kanyang dumadalaw. Magbabago ang buhay ni Lola Edna (Ai Ai) nang dumating ang isang estriktang caretaker.

Si Quinn ang gumaganap sa papel na estriktang caretaker sa pelikulang ito ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo.

Nabanggit ni Quinn kung ano ang dapat asahan ng movie viewers sa kanilang peikula.

Lahad ng aktres, “Siguro magbaon po ng maraming tissue, hahaha! Kasi about sa family siya and the fear of being forgotten by a loved one, kaya tiyak po na babaha ng luha sa mga sinehan, hahaha!”

Dagdag pa ni Quinn, “Ito po ay isang pelikulang pampamilya at tungkol po ito sa relationship with mothers ng iba’t ibang generations, so maraming makaka-relate talaga sa movie naming Litrato.”

Nabanggit naman ni Direk Louie ang kaunting patikim hinggil sa latest movie nila ni Ai Ai.

Wika ni Direk Louie, “Ang Litrato ay isang drama na pelikula na noong inisip ko ito, itong konsepto na ito, walang iba akong inisip kundi si Ai Ai ang gumanap bilang Lola Edna.”

Ipinaliwanag din ni Direk Louie na kung hindi si Ai Ai ang magbibida rito ay hindi niya gagawin ang pelikula.

Esplika niya, “Sabi ko nga, nag-usap kami ni Nay Len (Carrillo), na kapag iba po ang gaganap, huwag na nating ituloy ang pelikula. Kaya, kay Ai Ai po talaga ito.

“Marami po kayong aabangan sa pelikula at grabe ang twist na mangyayari rito.”

Ang tandem nina Direk Louie at Ai-Ai ay laging nananalo ng awards sa iba’t ibang filmfests. Patunay nito ang pagiging critically acclaimed ng dalawa nilang pelikula, ang Area at School Service na ang huli ay nanalong Best Actress si Ai Ai sa Cinemalaya.

Showing na ang Litrato sa July 26, 2023 in cinemas, nationwide. Kaya parang masasabi rin at mafi-feel ng manonood nito na animo Mother’s Day offering ito, sa buwan ng July.

Leave a comment