Content creator Pio Balbuena talks about his advocacy

Kilala si Pio Balbuena bilang rapper, aktor, direktor, at content creator. Marami na rin siyang nagawang pelikula at serye, pero mas nagmarka nang husto sa mga obra ni Direk Roman Perez Jr. Tulad ng Taya, Vivamax original series na Iskandalo, at Sitio Diablo.

Ang choreographer na si Geleen Euegenio ang naka-discover sa kanya bilang rapper at sa edad na 16, taong 2009 ay pinapunta siya sa Viva at doon nagsimula ang kanyang journey sa mundo ng showbiz.

Bandang 17-18 years old naman daw si Pio nang magsimula siyang magsulat ng mga kanta at nag-produce na siya ng music. Si Gloc-9 daw ang kanyang inspirasyon at idol sa pagiging rapper.

Lingid sa kalaman nang marami, ang kanyang Tambay serye sa YouTube ay may malupit na billion views at isa ito sa rason kaya very soon ay papasukin na rin niya ang pagiging mainstream direktor.

Sa ngayon ay nakatutok si Pio sa kanyang adbokasiya na tulungan ang mga tambay. Ito’y sa pamamagitan ng kanyang Tambay caps, na patok na patok na merchandise.

Actually, layunin nitong makatulong sa mga tambay para magkaroon sila ng kabuhayan sa pamamagitan ng paging reseller o tulak ng mga caps na ito.

Esplika ni Pio, “Excited ako para sa journey nating ito, kasi lahat naman ito ay para sa kapakanan ng mga tambay na walang diskarte. Ang purpose talaga ng presscon na ito is mapalawak pa natin iyong mensahe at saka yung advocacy para roon sa mga tambay na nasa laylayan.”

Sinabi niyang magandang pagkakitaan ang Tambay caps dahil mabilis tumaas ang market value nito, na hanggang abroad ay nabibili. Pati sa mga collectors ay hot item ang Tambay caps na sa ngayon ay umaabot na ng P25,000 ang isa.  

Ano ang requirements para maging tulak or reseller ng Tambay caps “Wala, basta may pangarap ka, game lang. Wala kaming tinitignan na kung anoman, basta gusto mong kumita ng pera, gusto mong magkaroon ng diskarte.

“Lalo kasi ngayon sa tambayan, ang daming ano, alam mo iyon? Hindi naman lahat, pero marami pa rin sa atin ang gustong magtrabaho, masipag, pero hindi mo masisisi dahil hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral o kaya ay galing sa loob (kulungan), o kaya naman ay maraming tattoo. So hindi sila makahanap nang maayos na trabaho na may magandang kita.

“Pero sa ginawa naming sistema, yung branding, pinainit namin pero hindi namin sinolo ang kita, shinare namin sa kanila (resellers). In fact mas mataas pa nga ang tinutubo nila sa amin. Sabi ko nga isang libo (ang bili nila), so kung 3500 iyon (benta nila), tumubo na sila ng 2500, hindi ba? Ganoon ang kinikita nila, sa isang sombrero lang iyon. Kasi, mataas ang market value.

“So, para talaga ito sa lahat, kahit na sino, kahit na anong klase ka pang tao, basta gamitin mo lang din sa tama,” pakli pa ni Pio.

Sa mga gustong maging reseller, ano ang dapat nilang gawin?

Lahad ni Pio, “Madali lang siya actually, mayroong group sa Facebook, iyong Tambay Cap Collectors at mayroon ding Facebook page, as in 24-7 ito ha, kasi nga ay tulong-tulong lahat ng tambay na nandito. Mayroon na kaming 38 thousand na members doon sa Tambay Cap Colectors group na iyon, na umasikaso sa lahat ng inquiries.

“For example mag-comment ka lang doon nang, ‘Mga ‘tol gusto kong maging tulak ng tambay caps, paano?’ In just a matter of two minutes ay mayroon na agad magre-reply sa iyo roon. Ganoon kabilis siya, 24-7.

“Kasi lahat ng mga tambay ay involve rito, eh, So grupo-grupo siya, so kapag gusto nilang maging reseller, gusto nilang magtulak ng Tambay caps, punta lang sila sa Facebook page o kaya sa group, may aasikaso agad sa kanila, 24-7, kahit anong oras,” pakli pa ni Pio.

Leave a comment