Catch Kelvin Miranda tonight on ‘MPK’

Muling patutunayan ni Kapuso actor Kelvin Miranda ang kanyang husay sa pag-arte sa fresh episode ng award-winning anthology na Magpakailanman ngayong Sabado, September 11. 

Bibigyang-buhay ni Kelvin ang kwento ni Kim, isang matalino subalit pasaway na iskolar na gagawin ang lahat mai-ahon lang sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Makakasama rin sa episode sina Rita Avila bilang Nanay Cecilia, Prince Clemente bilang Jun, at Sophia Senoron bilang Marian. 

Kahit na pasaway at puno ng kalokohan, naniniwala si Kim na tanging edukasyon lang ang makakatulong sa kanya upang masuportahan ang pinansyal na pangangailangan ng kanilang pamilya.

Kung kaya naman kung anu-anong trabaho ang pinasok ni Kim matapos ang high school. 

Naniniwala rin ang kanyang Nanay Cecilia na mas mabuti na magtrabaho siya sa halip na mag-kolehiyo, bagay na sinasang-ayunan ng kanyang kapatid na si Jun.

Imbes na panghinaan ng loob, nagsumikap si Kim na pagsabayin ang kanyang pag-aaral at pagtatrabaho upang makatulong sa kanyang pamilya.

Abangan ang nakaka-inspire na kwento ni Kim sa fresh episode ng #MPK na pinamagatang ‘Pasaway na Iskolar’ ngayong Sabado, 8PM, sa GMA-7.

Leave a comment