Timeless Pinoy icon na maituturing si Lola Basyang kung saan kinalakihan na ng maraming henerasyon ang kanyang mga kuwentong nakakaaliw. Ang mga kuwento niya na akda ni Severino Reyes ay ilang beses nang binigyang buhay sa pelikula, telebisyon at maging sa entablado. Ang iconic character naman ni Lola Basyang ay nagampanan na sa pelikula nina Rosa Mia at Chichay at ni Luz Fernandez sa telebisyon at entablado.
Kaya para sa magaling at beteranang aktres na si Boots Anson Roa, isang malaking challenge ang gampanan ang papel ng “favorite Pinoy storyteller of all time.” Sa edad niyang 70 years old, happy si Boots na nai-consider siya ng mag-asawang Perci Intalan at Jun Lana, producers ng Idea First Productions na magbida sa “Lola Basyang.com”
“Ito iyong role na talagang akma sa akin dahil sa tunay na buhay ay lola na ako. I have 17 grandchildren, siyam sa parte ko at walo sa partido ni King[ ikalawa niyang asawa],” kuwento niya.
Dagdag pa ng beterana at award-winning actress, siya man ay lumaki sa henerasyong kinagisnan ang hilig sa pagbabasa at pakikinig sa mga kuwento ni Severino Reyes aka Lola Basyang na para sa kanya ay tunay namang nakakawili.
“Ibang Lola Basyang ako rito. Would you believe, high tech si lola at global na rin siya,” kuwento niya. “Isang blogger ako rito. Challenge rin siya sa akin dahil sa tunay na buhay naman ay hindi ako techy,” dugtong niya.
Relevant pa ba sa kanya ang mga kuwento ni Lola Basyang in this time and age?
“Iyon nga ang isa sa mga layunin ng programang ito. Sa panahon kasi ngayon, cyberage na tayo. Ang mga kabataan, iba na ang hilig. They are into social media and mostly belong to the selfie generation kumpara noong panahon namin na iba ang pinagkakaabalahan. With this program, nag-evolve na rin si Lola Basyang. We hope na maka-connect tayo sa henerasyon ngayon by using Pinoy folk tales na very rich in traditional values”, paliwanag niya.
Ayon pa kay Boots, ang mga kuwento ni Lola Basyang ay mga timeless tales na naging bahagi na ng Pinoy pop culture.
“Sometimes, our youth need to be reminded na may show like Lola Basyang na puwede silang maka-relate dahil bukod sa elemento ng humor at fantasy ay nagbibigay din ito ng magagandang aral sa buhay,” pahayag niya.
Dagdag pa niya, kahit nag-evolve na siya bilang isang lola at umaagapay sa makabagong panahon, nanatiling konserbatibo pa rin siya sa kanyang mga values pagdating sa pamilya tulad na lamang ng paggalang sa mga nakatatanda at pagbibigay ng kalidad na oras at prayoridad sa pamilya na para sa kanya ay dapat isabuhay ng bawat kabataan.
Aniya, mas naa-appreciate pa raw niya ang mga tula at mga love letters na ipinadadala sa kanya ng kanyang husband na si Atty. King Rodrigo kesa sa mga texts na natatanggap niya rito dahil mas personal daw ang una at puno ng damdamin at pagmamahal kung ihahambing sa huli.
Papel ng isang lolang may tatlong apo ang ginagampanan ni Boots sa “Lola Basyang. Com.” Ang kanyang mga kuwento ay ibinabahagi niya sa kanyang mga apo na nakabase sa iba’t-ibang lugar sa pamamagitan ng modernong teknolohiya tulad ng skype sa internet.
Mapapanood na ang “Lola Basyang. Com” mapapanood tuwing Sabado sa ganap na alas-7 ng gabi sa TV5 kung saan naging tampok sa kanilang pilot episode ang kuwento ni “Mariang Makiling” na pinagbidahan nina Jasmine Curtis-Smith, Rodjun Cruz at Carlos Agassi.