by PSR News Bureau

Sa kabila nang kaliwa’t-kanang pagbabatikos na kanyang natatanggap, hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na minsan sa kanyang buhay ay naging isang babaero rin ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao. In fact, may isang babae nga ang nagke-claim na nagkaroon ito ng anak kay Pacquiao. Ayon sa naging panayam ng Inquirer noon (taong 2006) sa isang babaeng nagngangalang Joanna Rose Bacosa, isang katutubo mula sa Palawan na diumano’y naging kasintahan ni Manny nang mahigit sa dalawang taon ay nagkaroon daw sila ng anak na lalaki ng sikat na boksingero at kongresista.
Nagsampa rin ng reklamo si Bacosa laban kay Pacquiao sa paglabag diumano nito sa Republic Act 9262 na nagproprotekta sa mga kababaihan para sa paghingi niya ng pinansiyal na suporta para sa kanyang anak. Sa nasabing panayam, sinabi ni Bacosa na ipinanganak niya ang anak niya noong January 2, 2004 at bininyagan ito sa isang simbahan sa Quezon City kung saan ibinigay niya ang apelyido ni Pacquiao. Ipinakita pa nga nito ang ilang katibayan tulad ng legal na dokumento at ilang larawan nila ni Pacquiao noong panahong masaya pa sila sa kanilang naging relasyon. Upang patunayan ang kanyang karapatan sa paghahabol.
Ayon pa kay Bacosa, ang anak nila ay produkto ng kanilang naging pagmamahalan ni Manny na nagsimula sa billiard hall at videoke bar ng Pan Pacific Hotel sa Malate, Manila. Taong 2003 daw nang unang magkakilala sina Bacosa at Pacquiao. Noon kasing mga panahon na iyon ay madalas si Pacquiao doon bilang manlalaro. Si Bacosa naman ay nagsilbing waitress noon at billiard ‘spotter.’
Nung umpisa, ayon sa salaysay ni Bacosa, hindi nga raw ito pamilyar kung sino si Pacquiao. Hindi nito alam na isang kilalang boksingero ito. Wala daw kasi siyang interest sa sports. Basta ang alam daw niya ay mas binibigyan siya ng atensiyon ni Pacquiao noon kaysa sa ibang mga babae na kasama niya. Noong April 2003, inimbitahan daw siya nito para makipag-date. Kaagad naman daw pumayag si Bacosa. Ilang beses nasundan ang date nila kung saan nag-check in sila sa ilang hotels. Noong umpisa nga ay inaabutan pa nga raw si Bacosa ni Pacquiao ng pera, pero sinabi nitong hindi naman siya isang babaeng mababa ang lipad.
Inamin ni Bacosa na na-inlove siya ng husto kay Pacquiao kahit batid pa niyang may asawa ito at mga anak. Ilang beses din daw siyang binigyan ni Pacquiao ng pera pero tinanggihan daw niya ito dahil mahal niya ito.
May 2003 nang malaman ni Bacosa na buntis siya. Sinabi ito ni Bacosa kay Pacquiao at mukha naman daw masaya ang boksingero. Sinabihan daw siya nitong tumigil sa pagtratrabaho at inilipat siya sa isang mas maayos na apartment upang malayo ito sa intriga. November 2003 nang bigyan siya nito ng P300,000 bilang regalo sa kapaskuhan. Tinanggap daw niya ang pera dahil kinakailangan niya ito sa kanyang panganganak. Ayon pa rin kay Bacosa, noong umpisa ay dinadalaw naman ni Pacquiao ang anak nila. Hanggang sa dumalang ng dumalang ang mga pagdalaw nito.
November 2005 nang nakatanggap siya ng tawag mula sa kaibigan ni Pacquiao na si Wakee Salud. Gusto raw silang makitang mag-ina ni Pacquiao sa Cebu. Matapos ang ilang buwan ay doon lang muli nagkita ang mag-ama. May mga larawan pa nga silang kinuha ng magkasama. Nag-abot pa nga raw ng P3,000 ito para sa bata. Hindi niya alam na ito nap ala ang magiging huli nilang pagkikita ni Pacquiao.
Matapos nito ay sinubukan niyang tawagan si Pacquiao at magpadala ng text messages. Humihingi na siya ng suporta para sa anak nila. Pero sa halip ay nakakatanggap daw siya diumano ng tawag mula sa legal na asawa ni Pacquiao na si Jinkee. Hanggang sa isang araw ay nakatanggap muli siya ng isang tawag mula kay Pacquiao mismo. Hindi na raw ito ang lalaking kanyang minahal. Sinigawan daw siya nito at tinanong:
“Anong ginagawa mo? Kung may problema ka, bakit hindi ako ang kausapin mo? Anong gusto mo, financial support? May mga tao ako, sabihin mo sa abogado mo na tumahimik.”
Sinabi rin ni Bacosa na natakot ito sa pagbabanta ni Pacquiao sa kanya. Alam kasi niyang isang makapangyarihan na tao na ito maliban pa sa ubod ng yaman. Sa ilalim ng Family Code, kapag ang isang babae ay nanalo laban sa isang kaso, hindi lang ang bata ang may suporta. Bahagi ng magiging kasunduan ay ang pagkakaroon ng isang trust fund para sa bata hanggang sa maging 21 years old ito.
Sa mga taong nangungutya at bumabatikos sa kanya, sabi ni Bacosa na hindi naging madali sa kanya ang lumantad sa publiko. Pero ginagawa daw niya ito upang ipaglaban ang karapatan ng kanyang anak. Minsan daw niyang minahal si Pacquiao at isang magsisilbing alaala ng kanilang matatamis na kahapon ang kanilang anak na lalaki.
Minsan nang sinubukan ng Inquirer na alamin ang side ni Pacquiao ukol dito ngunit hindi daw nito sinasagot ang telepono. Mula nga ng maging isang ‘born-again Christian’ si Pacquiao ay sinasabi nitong tinalikuran na niya ang pambababae.