It’s a baby girl for Marian and Dingdong Dantes

By PSR News Bureau

(Dingdong Dantes - Marian Rivera Wedding from Nice print)

Tulad ng inaasahan ng maraming tagasubaybay ng tinaguriang ‘Royal Couple’ ng Kapuso network, baby girl ang magiging anak nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Sa wakas nga ay inihayag na ng mag-asawa ang gender ng kanilang magiging baby sa pamamagitan ng kanilang respective Instagram accounts. Kung mapagmamasdan ngayon si Marian, bakas sa kanyang mukha ang labis na kaligayahan at lalo pa nga daw itong gumaganda ngayong nalalapit na ang kabuwanan nito.

Ayon sa IG account ng aktor, “Pretty soon we will have to make a decision on what she should wear first,” isinulat nito bilang caption sa larawan ng dalawang baby bibs na may nakasulat na “Daddy’s li’l lady” and “Pretty Like Mommy.”

Limang buwan nang nagdadalantao si Marian at ngayon pa lang marami na ang nananabik sa itsura ng magiging anak ng mag-asawa pagka’t guwapo ang magiging tatay at napakaganda rin ng magiging nanay kung kaya’t sigurado ang lahat na magiging kasingganda rin ito ng kanyang mga magulang. Nakatakda nilang pangalanan ang kanilang baby girl na may pangalang ‘Maria.’ Kapag nagkaanak naman daw sila ng lalaki in the future, gusto nilang may pangalan din itong ‘Jose’ gaya ni Dingdong na Jose Sixto Dantes III sa tunay na buhay.

Nakatakdang manganak si Marian sa buwan ng Nobyembre. Abril ng taong ito nang inanunsiyo ng mag-asawa ang pagbubuntis ng aktres na siyang naging dahilan upang lisanin niya ang nakatakda sana niyang gawing teleserye, ang “The Rich Man’s Daughter,” na ginagampanan na ngayon ni Rhian Ramos sa GMA 7.

Hangad ng Philippine Showbiz Republic (PSR) ang maluwalhating panganganak ni Marian sa kanilang little angel!

Leave a comment