

Ibinigay ng Kapuso actor na si Aljur Abrenica ang lahat ng kanyang makakaya sa pelikulang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” dahil ito ay ang kanyang launching movie bilang bida.
“Ibinuhos ko talaga ang ‘best’ ko para sa pelikulang ito”, bungad niya.
Katunayan, bago pa man nagsimula ang pelikula ay nagsagawa na si Aljur ng kanyang research tungkol sa buhay ni Hermano Puli.
“Pumunta ako sa Lucban, Quezon kasi iyon ang hometown ni Hermano Puli. Nagtanong-tanong ako at nagsaliksik tungkol sa buhay niya pati na iyong Cofradia de San Jose na kinaaaniban niya”, kuwento ni Aljur.
Ayon pa kay Aljur, nagdarasal siya na mapansin siya sa historical movie na ito.
“Sana, tanggapin siya tulad ng pagtanggap ng mga tao sa “Heneral Luna”, aniya.
Malaki rin ang pasasalamat ni Aljur kay Direk Gil Portes sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na gumanap bilang Hermano Puli.
“Dream role siya kahit na kaninong actor. Thankful ako kay Direk Gil (Portes) dahil sa pagtitiwala niya sa akin”, sey niya.
Dagdag pa niya, kakaibang Aljur din ang mapapanood dito kumpara sa mga nagampanan na niya.
“Hindi ko pa siya nagagampanan sa tanang buhay ko dahil iba ang atake niya”, pagtatapat ni Aljur. “Gusto ko ring magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan at sana magawa iyon ng pelikula namin”, dugtong niya.
Ang “Ang Hapis at Himagsik ni Hermano Puli” ay tungkol sa buhay ni Apolinario de la Cruz, isang martir na bayani na nag-aklas laban sa mga Kastila noong simula ng ika-19 na siglo para isulong ang pagkapantay-pantay at karapatang mamili ng relihiyon noong panahon ng mga Espanyol.
Kabituin dito ni Aljur si Louise de los Reyes na napabalita noong naging ex niya.
Kasama rin sa powerhouse cast sina Markki Stroem, Enzo Pineda, Kiko Matos, Ross Pesigan, Menggie Cobarrubias, Elora Españo, Stella Cañete-Mendoza, Alvin Fortuna, Sue Prado, Abel Estanislao, Simon Ibarra, Jun Nayra, Diva Montelaba at ang mga utol ni Aljur na sina Vin at Allen Abrenica.
Ito ay magiging closing film sa 2016 Cinemalaya na gaganapin sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa Cultural Center of the Philippines sa Agosto 13.
Ang award-winning director nitong si Gil Portes ay isang beterano na ng Cinemalaya kung saan naging kalahok sa mga nakaraang edisyon nito ang kanyang mga obrang “Two Funerals” at “Liars”.
Bilang bahagi ng misyon nito na maipalaganap ang mensahe ng pelikula, magkakaroon ng nationwide campus tour ang “Hermano Puli” sa tulong ng collective artist group na Dakila kung saan tatalakayin sa mga forum ang temang “Bayani Ba ‘To?” na nagsimula na kamakailan sa Angeles University Foundation.
Si Aljur ay napansin sa mga pelikulang “Expressway” sa Sinag Maynila at “EDSA” sa Filipino New Cinema division ng World Premieres Film Festival ngayong taon.
Bida rin siya sa GMA teleseryeng “Once Again” kung saan kabituin niya si Janine Gutierrez.