by: Rommel Placente
Mas mataas ang nakukuhang rating ngayon ng ”Eat Bulaga” ng GMA 7 kaysa sa “It’s Showtime” ng ABS-CBN 2. Ito ay dahil sa Aldub fever. Marami ang nag-aabang at sumusubaybay sa kalyeserye na bida sina Alden Richards at Maine Mendoza. Para kay Vice Ganda, isa sa hosts ng “It’s Showtime,” masasabi niya na “healthy competition” ang nangyayaring labanan sa pagitan ng kanilang noontime show at Eat Bulaga.
“Bago pa naman nagka-AlDub, talagang may kumpetisyon na ang ABS at ang GMA Hindi lang naman Showtime saka Eat Bulaga.Teleserye nila, kakumpitensiya ng teleserye namin, lahat,”sabi ni Vice
Dagdag niya, “Kaya napakaipokrita, napakaipokrito na pagka sinabi ko, ‘Naku, walang kumpetisyon!’ May kumpetisyon ‘yan, and it’s a healthy competition.”
Samantala, isa sa inaabangang segment sa It’s Showtime ay ang Good Vibes at AdViceGanda ni Vice Ganda, kung saan bukod sa nagbibigay siya ng payo ay nagbibigay pa siya ng pera at mga materyal na bagay sa kanilang audience, na ang pera ay nanggaling mismo sa komedyante.
“Yun naman ang gusto ko, yun naman ang gusto namin talaga, na maraming maka-relate. Para habang tinatalakay namin ang issue ng isang tao, hindi lang parang siya ang pinag-uusapan namin, kundi marami ang nakaka-relate sa pinag-uusapan, na parang sila din ang kinakausap ko.”