
Elijah Alejo will resume taping for ‘Prima Donnas’
Excited na ang Kapuso teen actress na si Elijah Alejo sa pag-resume ng taping ng kanilang top rating TV series na Prima Donnas.
Dapat daw ay last month pa ito, pero dahil sa nagbalik sa MECQ ang Metro Manila, kaya na-move ang schedule nila ngayong September.
Saad ni Elijah, “May schedule na po kami for swab testing and inaasikaso na po yung schedules po namin (sa taping).”
Ano ang role niya sa Prima Donnas?
“Ako po rito si Brianna Almonte, anak po ako ni Kendra (Aiko Melendez).
“Nagpanggap po ako na isang Claveria dahil gusto ko po maging mayaman at magkaroon po ng magandang buhay.
“Napakamaldita po ni Brianna dahil ayaw niya pong mawala ang pagiging Claveria niya.”
Sa pag-resume ng taping nila, excited ba siya o kinakabahan?
Nakangiting tugon ni Elijah, “Excited po siyempre dahil makikita ko po ulit yung mga co-stars ko and iba pa po naming kasama sa taping. Dahil miss na miss ko na po silang makaeksena and makakwentuhan po.”
Kamusta katrabaho sina Aiko, Wendell Ramos, Katrina Halili, Chanda Romero, Benjie Paras, Jillian Ward, Althea Ablan, Sofia Pablo, at iba pa?
“Masaya po silang katrabaho lahat. Off cam po nagkukwentuhan po kami and nagtatawanan po, nag-aasaran po ganoon… lalo na po si tito Benjie. Actually po, ako po yung isa sa kontrabida sa serye namin, pero ako po yung inaasar nila behind the camera po.
“Pero po kapag nasa set na, seryoso na po lahat and nagtutulungan po para mas mapaganda po yung eksena.
“Example po sila tita Aiko po, sasabihin po na dapat po mas sipsip pa po si Brianna kina Lady Prima po,” natatawang kuwento pa ni Eli (nickname ni Elijah).
Nabanggit pa ni Elijah na nag-eenjoy siya sa paiging konbtrabida rito.
“Super-enjoy po ako sa pagganap bilang Brianna dahil eto po ang first kontrabida role ko po. Nakakatuwa rin po na maging mataray habang umiiyak.”
May peg ba siyang kontrabida?
“Wala po akong peg na kontrabida dahil gusto ko pong gumawa ng sarili kong pangalan sa pagiging kontrabida. Ganoon din naman po ang gusto ni direk Gina (Alajar) for Brianna, gusto po nila may sariling character si Brianna. Binigyan lang po ako ni direk Gina ng mga ugali po ni Brianna, pero wala po siyang binanggit na dapat ko po gayahin.”
Mahirap bang maging kontrabida?
Tugon niya, “Noong una po nahirapan po ako dahil first time ko at kinakabahan po talaga ako. Pero noong nagtagal po ako, nasanay na po ako sa pagiging Brianna. Kaya po sinasabi na lang ni direk Gina kung babawasan ko po yung emosyon ko po.”
Incidentally, si Elijah ay isa sa bida sa pelikulang Magikland, starring Miggs Cuaderno.
Ang naturang pelikula ay kabilang sa entry sa gaganaping Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong December.
Ito’y mula sa Brightlight Leisure Productions, Inc/Gallaga Reyes Films at kabilang sa unang apat na pumasok sa festival base sa pag-submit ng script.
Bukod kina Miggs at Elijah, tampok sa Magikland sina Jun Urbano, Bibeth Orteza, Princess Rabarra, Joshua Eugenio, Hailey Mendez, Kenken Nuyad, at marami pang iba.