
‘Bossing’ tapped to donate electric fans to PCCH
Sa panahong ito na nababalot ng dilim at takot ang buong mundo dala ng Covid-19 pandemic, kailangan natin ang katuwang na magsisilbing sinag ng liwanag na gagabay sa ating mga pakikibaka.
Sa paraang ito, ang Hanabishi Philippines ay tulad sa mabining simoy ng hangin na magpapagaan sa ating mga pasanin.
Sa layuning maibsan ang hirap na dinadala ng mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus, nagsanib-puwersa ang Hanabishi Philippines at ang longest-running Kapuso noontime variety show na ‘Eat Bulaga’ sa pagdo-donate ng electric fans sa Pasig City Children’s Hospital (PCCH).
Ang PCCH ay tinukoy ng Department of Health (DOH) bilang pasilidad para gamutin ang moderate COVID-19 cases.
“Muli kaming nakipag-alyansa sa Eat Bulaga para suportahan ang ating frontliners sa panahong ito ng krisis. Dati na naming napatunayan ang tibay ng aming Dabarkads sa kanilang tulong sa paghahatid ng ginhawa sa ating mga mamamayan noon.
“Ngayon naman, target na maabot ng aming kalinga ang mga taong naiipit sa pandemic na ito,” ani Cherish Ong-Chua, Hanabishi’s Vice President for Operations and Marketing.
“Mithiin namin na makatulong sa gobyerno at sa ating pamayanan sa aming sariling kaparaanan.
“Naniniwala kaming kaya nating malampasan ang krisis na ito kung may pagtutulungan at pagkakaisa,” dagdag niya.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nakipagtulungan ang Hanabishi sa EB family sa kanilang community projects.
Dati nang nakapag-donate ang kumpanya ng appliances sa iba’t-ibang paaralan sa tulong ng Eat Bulaga.
Proud din ang Hanabishi na ibalita na ang aktor-TV host na si “Bossing” Vic Sotto ang napiling celebrity endorser ng pinagkakatiwalaang brand sa buong bansa noong nakaraang taon.
“Sa ngalan ng mga kasamahan ko sa Eat Bulaga, isang malaking karangalan para sa akin ang maging katuwang sa dakilang adhikain na ito ng Hanabishi sa pagtulong sa ating mga ospital, mga pasyente at health workers,” pahayag ni Vic.
Maliban sa PCCH, nagkaloob na rin ang Hanabishi ng electric at exhaust fans sa Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila.