Hubert grieves mom’s death with emotional message

4746

Bumalik na ng bansa noong Linggo ng gabi, November 5 ang butihing ina ni Isabel Granada na si Mommy Guapa, ang dating mister na si Coun. Jericho Aguas at anak nila na si Hubert.

Sa pagdating nila ng bansa, na-interview ng Umagang Kay Ganda si Jericho at Hubert.

Sabi ni Jericho, ”Eto kailangan na po kasi naming umuwi habang ‘yung body ni Isabel, ang nagti-take dun ay ‘yung mga Pilipino na naiwan dun at si Arnel (Isabel’s partner). Kami po na mga kaibigan ni Isabel, si ate Nadia (Montenegro), Chuckie (Dreyfuss), Bianca (Lapus), si Lotlot (de Leon) at iba pa, ang mag-aasikaso po ng kailangang ayusin dito po sa sa funeral ni Isabel.”isabel-jericho-and-mommy-gwapa

Nagpapasalamat si Jericho dahil nakapiling pa nila si Isa sa huling sandali nito sa mundo.

“Paulit-ulit po naming ipinaparating kay Isabel na lahat po ay nagmamahal sa kanya. At alam naman po namin na siya ay nasa magandang kalagayan na po. At huwag po siyang mag-alala dahil dodoblehin ko pa po ang pagmamahal ko sa aming anak.”

May mensahe naman na nais iparating si Hubert sa kanyang ina.

“Ma, salamat sa lahat ng ginawa mo bilang isang ina. Hinding-hindi kita makakalimutan. Mahal na mahal ka namin. Sa lahat ng mga masamang ginawa ko noon, na naging pasaway ako, sorry na lang. At sana ngayon masaya ka at sana binabantayan mo kami, at nasa kamay ka na ng Diyos.”

Sobrang nalungkot at hindi pa rin makapaniwala si Chuckie sa pagpanaw ng dating ka-love team na si Isabel.

Sabi ni Chuckie sa kanyang Facebook post noong Linggo, November 5, “Maraming salamat sa lahat ng pagkakataon na nagkasama tayo. Sa lahat ng panahon na pinasaya mo ako at ang pamilya ko. Sa pagmamahal na lagi mong pinaramdam sa akin ng buong puso.

“Sa bawat tawa, bungisngis, kurot at hampas sa akin na hindi ko makakalimutan. Kasama mo nawala ang napakalaking parte ng buhay ko na kailanman hindi ko na maibabalik. Ayoko pa rin maniwala. Sana sa panaginip man lang makita at makausap kita kahit papaano. Kahit man lang doon. Paalam, Isa. Mahal na mahal na mahal kita!”

Unang nagkatrabaho sina Isa at Chuckie sa sitcom na Happy House.

Ang ilan sa mga pelikulang pinagsamahan nila ay Magic To Love, Isang Araw Walang Diyos, Huwag Kang Hahalik sa Diyablo, Papa’s Girl at marami pang iba na lahat ay mula sa Regal Films.

Noong 2011, nagkaroon ulit sila ng pagkakataong magkatrabaho sa reality show ng GMA Network na Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown.

img_20171106_213317

Huling napanood si Isa sa A Love To Last at Maalaala Mo Kaya (MMK).

Mula sa Philippine Showbiz Republic (PSR), ang aming lubos na pakikiramay sa pamilyang naiwan ni Isabel: para kay Mommy Guapa, Arnel, Jericho, at Hubert.

Leave a comment