Nasa bansa ngayon ang aktres na si Klaudia Koronel. Matagal nang naninirahan sa Amerika ang dating sexy star pero dahil sa may mga bagay na dapat siyang ayusin ay umuwi muna siya ng Pilipinas.

May mga properties kasi siya na dahil sa hindi na maasikaso ay ipinagbili na lamang niya ito. Pero marami pa rin siyang itinira para sa kanyang pamilya lalo na sa kaniyang anak.

In good shape pa rin si Klaudia nang humarap siya sa press kamakailan sa isang intimate tsikahan sa Music 21 Plaza sa Timog. Ang ganda pa rin ng kaniyang mukha at napakalakas pa rin ng kaniyang dating kahit nadagdagan na ang kaniyang edad.

Dahil sa marami ang nagtatanong at naiintriga kung ano na ang estado ng buhay niya ngayon at marriage life, minabuti niyang humarap na sa press at linawin ang mga napapabalitang hindi na raw maganda ang buhay niya ngayon dahil sa pag-iwan sa kaniyang asawa.

Inamin niyang matagal na siyang hiwalay sa dating asawang si Andy Zhang dahil sa prenuptial agreement na hanggang apat na taon lang silang magsasama pagkatapos ng kasal nila noong August 28, 2009.

Umamin din siya na sa mga panahong magkasama pa sila ni Andy ay nakaranas siya ng depresyon at kalungkutan. Pero nagpakatatag pa rin siya at nanalig sa magagawa ng Diyos.

Isa sa mga sinandalan niya at nagsilbing lakas at gabay ay ang mga payo sa kaniya ng dating Executive Minister ng Iglesia Ni Cristo na si Brother Eraño Manalo.

Tinandaan niya at nilagay niya sa puso at isip niya ang mga sinabi sa kaniya noong nabubuhay pa ang itinuring niyang pangalawang ama. Isang aktibong miyembro ng Iglesia ni Kristo si Klaudia.

received_1754319804667111

“Na-espirituhan nya ako. Alam nya malakas pananampalataya ko. Sabi nya makakatapos daw ako ng pag- aaral. Pero sabi nya magkakaroon daw ako ng matinding pagsubok na natatanaw nya in the future. Kung ano man yon sabihin ko raw sa kanya o isulat kung buhay pa sya. Iniwan nya ako ng payo na kapag naalala ko ay nagpipigil sa akin gumawa ng di ikakabuti sa sarili ko.”

“Sabi pa nya pag masagupa ko raw yon magpakatatag lang daw ako at wag bibitiw sa pagka Iglesia ko. Kahit pa raw halos babagsak na ako sa panghihina. Manalangin lang daw ako sa Diyos. Lumakad ng matuwid at diretso at iwasan na makasakit ng kapatid.”

Totoo nga na naging masalimuot ang pinagdaanan ni Klaudia pagkatapos silang maghiwalay ng dating asawa at dumating sa puntong hindi niya alam kung saan siya pupunta at paano magsisimulang muli sa kaniyang buhay. Pero ang lahat ng ito ay nalagpasan niya dahil na rin sa kaniyang pananampalataya sa Panginooong Diyos. Masaya ang buhay niya ngayon at may matatag na trabaho sa isang ospital sa US.

Hindi rin totoo ang balitang naghihirap siya dahil marami pa rin siyang pag-aari gaya ng mga lupa, bahay at naipong pera. Nakapokus ngayon ang aktres sa pag-aayos ng future ng kaniyang nag-iisang anak na nasa Pilipinas ngayon. Plano rin niyang dalhin ito sa Amerika pagdating ng bata sa tamang edad.

Leave a comment