Charity Diva Token Lizares shines at her show; Luis Manzano shows funny side on social media

75

SUCCESSFUL ang show ng Charity Diva na si Token Lizares kasama ang The Singing Soldier na si Mel Sorillano noong sabado ng gabi sa RJ Bistro sa Dusit Hotel.

Kung tutuusin ay konti ang naging preparasyon sa palabas pero dinagsa pa rin ito ng mga tagasuporta ng dalawang mahusay na mang-aawit.

Star of the show siyempre ang kaibigan naming si Token at talaga namang wala pa ring kupas sa pagbirit at husay  sa pagkanta.

Walang humpay ang palakpakan at sigawan kapag siya ay kumakanta na. Maning-mani lang sa Charity Diva ang mga kantang matataas ang tono.

Gustung-gusto namin nang inawit niya ang Impossible Dream pero  iba ang naging pakiramdam namin nang kantahin niya ang  Kahit Isang Saglit.

Mangiyak-ngiyak nga kami habang pinapakinggan ang awiting ito na pinasikat nina Martin Nieverra at Vernie Varga.

Napansin din namin na naging emosyonal siya habang ito ay kaniyang inaawit.

Isa pa sa nagustuhan namin bukod sa kaniyang performance ay ang pagiging mapagkawanggawa o pagiging matulungin ni Token.

Ang kikitain kasi ng show ay mapupunta sa showbiz reporter na  Richard Pinlac na hanggang ngayon ay nagpapagaling pa rin sa kaniyang karamdaman.

Malapit kasi siya sa entertainment press kaya naman naisip niya agad si Richard na hanggang ngayon ay malaki pa rin ang gastusin niya sa pagpapagamot.

Tunay ngang dakila ang kaniyang puso at kahit piso ay walang matitira sa kaniya para lamang makatulong sa kapwa.

Sabagay, ugali na niya talaga ang ganito.

“Totoo, kahit walang matira sakin okay lang. Itong show na ito ay para talaga kay Richard Pinlac. Hindi biro ang pinagdadaanan niya ngayon at alam kong malaki ang magagastos pa niya,” sabi niya.

“Ganito talaga ako. Gumagawa talaga ako ng fundraising shows para sa mga nangangailangan ng tulong at wala talaga akong tinitira para sa sarili ko.

“Bumabawi na lang ako kapag may kumuha sakin na kumanta ako sa isang event at naniningil talaga ako ng talent.”

Siyangapala, isa sa mga panauhin sa kanilang show ay ang Torch Diva na si Malu Barry na pagkahusay pa ring mag-perform.

Kasama rin bilang guest si Tina Burner at ang stand up comedian na si Jeremy.

********************************************

ISA kami sa nakatutok sa facebook account ni Luis Manzano.

Kuwelang-kuwela kasi ang mga pino-post niya sa kaniyang timeline.

Ang galing-galing niyang maghanap ng mga video at picture na katawa-tawa talaga.

Aliw na aliw kami kapag ito ay amin nang nakita at pinapanood.

May sense of humor pala talaga ang binata at isa ito  marahil sa mga  nakakabighani sa mga babae kaya madaling  mapalapit ang mga ito sa kaniya bukod siyempre sa kaniyang kaguwapuhan at kamachohan.

Hindi kami sure pero mukhang itong si Luis ay marunong ding magalit pero mas nakakalamang pa rin ang pagiging masayahin niya.

‘Yung tipo ba na parang walang problema at napakapositibo ng pananaw niya sa buhay.

Of course, bilang isa sa mga pinapasaya niya  sa kaniyang mga pino-post sa facebook ay hinahangad namin na maging maligaya siya sa kaniyang buhay pag-ibig.

Wish namin na sila na forever ni Jessy Mendiola na ramdam naman namin na mahal nila ang isa’t-isa.

Photo from Luis' instagram account
Photo from Luis’ instagram account

Sana nga ay si Jessy na ang huling babae niya sa buhay at pakakasalan.

Nakikita naman naming hindi lamang siya nag-eenjoy sa piling ng dalaga kundi napaka-espesyal pa ng trato niya sa dalaga na hindi niya masyadong ginawa sa kaniyang mga naka-relasyon ayon na rin sa aming obserbasyon.

Leave a comment